November 17, 2024

SC, inilatag 5-taon plano sa masmahusay na  pagkamit ng hustisya

MAS maayos, mabilis, parehas at walang kinikilingang paghatol at lantad sa publikong paggawad ng hustisya.

Ilan lamang ito sa nilalaman ng inilabas na 5-taong plano ng Korte Suprema sa layuning makapaggawad ng napapanahon, matapat at bukas sa madlang paghatol at pagkakaloob ng katarungan.

Ang plano na pinamagatang “Strategic Plan for Judicial Innovations (SPJI) 2022-2027 ay naglalayong lutasin ang  matagal nang problema sa hudikatura sa pamamagitan ng mga bagong gawain sa mas mabuting serbisyo na magbubunga ng mas malawak na pagkakamit ng hustisya sa lahat.

Lulutasin sa SPJI ang mga problema tulad ng matagal na pagkabinbin ng mga kaso, nagtambak na di-naaksiyunang mga kaso, at kakulangan ng iba’t-ibang pangangailangan ng hukuman.

Nagdudulot ang mga ito, ayon Korte Suprema ng dahilan ng mabagal na sistema at gawain sa mga hukuman.

Ayon sa SPJI, problema rin ang malaking kakulangan ng nakatatag na hukuman, mga gabay at alituntunin sa pamamaraan na nagpapahintulot sa mahabang proseso sa pagdinig sa mga kaso,  mabagal na galaw at pagtupad, kapabayaan o kaya ay  kapos sa kakayahan ng mga kawani ng hukuman.

Tinukoy rin ang malaking perwisyong idinulot ng pandemyang Covid-19 na nagbunga ng mabagal, pagkabinbin at pagkatambak ng mga di-naaksiyunang kaso sa mga hukuman.

Binanggit din ng SPJI ang pakiramdam ng publiko na may nagaganap na kurapsiyon sa mga hukuman, at ito ay tutukang maresolba ng Kataas-taasang Hukuman.

Mga hakbang na ipatutupad ng SC, ayon sa SPJI: Napanahon at parehas na pagkakaloob ng malaya at maayos na pagpapasiya at pagtiyak na magaang na makapagdudulog ng reklamo at pagkakamit ng hustisya sa tamang pagkakataon; Bukas sa publiko at mapagkakatiwalaang hustisya  na makapagpapabalik ng paghanga at pagtitiwala ng taumbayan; Pantay at mabilis na serbisyo  sa lahat  ng lumalapit at humingi ng serbisyo mula sa mga hukuman upang makamit ang episyenteng pamamahala, aangkop at gagamitin ang mga  bagong kaalaman sa digital na  teknolohiya.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga dapat malaman ng madla hinggil sa SC’s five-year plan.

Upang matamo ang maayos, parehas at malayang paggawad ng hustisya, magsasagawa ang SC ng mga bagong sistema at pagkilos, ng naaayon at angkop sa pangangailangan ng panahon.

Lilikhain, ayon sa SPJI, ang  Supreme Court Management Committee at Planning Development Office. Ito ang titingin, magsasanay at gagalaw upang matiyak ang maayos na pagkilos at paggalaw, proseso at pamamahala sa mga hukuman sa bansa.

Aaksiyunan din ng SC ang mga problema, pangangailangan at kabutihan ng mga manggagawa ng hukuman — mula sa mga mahistrado, mga huwes at mga opisyal at tauhan ng mga korte  sa bansa.

Magpapatupad ang SC ng  socialized health insurance system para sa lahat ng opisyal, mga kawani ng hukuman; pâgtatayo ng  Mental Health Unit, taunang pisikal at mental na paggamot nang libre, at ang pagpapalakas ng mga pasilidad para sa pangangalaga ng mga sanggol at bata.

Palakasin at patuloy na pag-aaral ng mga hukom, pagtuturo at pagpapatupad ng angkop na disiplina sa mga opisyal at tauhan ng mga korte at iba pang programa upang mapabuti ang bar exams at responsibilidad at pananagutan ng mga abogado.

Pagpapalakas sa Judicial Integrity Board at ang pagsasaayos ng Judiciary Marshals Office.

Plano ring gamitin ng SC ang artificial intelligence (AI) para sa malawakang pasasaliksik ukol sa batas at pagpapalawak ng  e-library at ng pagpapalakas ng AI-enabled technology.

Sinisimulan na ring itayo ang  “eCourt System Version 2.0.” na gagamitin para sa mabilis na transaksiyon sa mga hukuman tulad ng pagrerekord ng mga kaso, bayarin, rapol at mga kalendaryo sa mga pagdinig at gawain sa mga hukuman.

Sa paggamit ng makabagong digital technology, inaasahang mapapabilis ang paghahatid ng mga tagubilin, plano, memorandum at iba pang gawain sa lahat ng korte sa buong bansa.

Bukod sa iba pang bagong sistema sa repormasyon sa mga korte, lilikha rin ang SC ng mga proyektong tutulong sa madlangbayan upang madaling makakuha ng mga impormasyong may kinalaman sa hustisya at reporma sa mga korte.

Magpapatupad din ang SC, ayon sa SPJI ng tulong legal, data base para sa libreng payong legal at muling pag-aaral sa ipinatutupad na Enhanced Justice on Wheels program.

Palalakasin din ang Shari’ah justice, sabi ng SPJI, at gagawin ito sa pag-oorganisa at pagbubuo ng operasyon sa 56 Shari’ah court sa bansa. Plano ring rebyuhin ang bumubuo ng komite ng Shari’ah at suriin ang sistema ng  Shari’ah justice, at dagdag dito, palakasin ang legal Shari’ah legal education system.