June 25, 2025

Sarah Lahbati, nali-link sa anak ni House Speaker Romualdez

Usap-usapan ngayon sa social media ang diumano’y bagong pag-ibig ni Sarah Lahbati matapos siyang maiugnay sa bagong halal na konsehal ng Tacloban City na si Ferdinand Martin “Marty” Romualdez Jr., anak nina House Speaker Martin Romualdez at Tingog party-list Rep. Yedda K. Romualdez.

Bagamat walang kumpirmasyon mula sa dalawang kampo, nakita raw ang aktres at ang batang politiko na magkasama sa ilang okasyon, ayon sa mga ulat.

Si Marty ay kilala sa kanyang hilig sa polo, isang sport na para sa elite, at nagtapos ng pag-aaral sa ibang bansa. Noong nakaraang taon, nanalo ang kanyang koponan sa isang international polo tournament sa Spain. Nitong Mayo 2025, nagtapos siya sa ika-apat na pwesto sa Tacloban City Council elections — ang kanyang unang sabak sa pulitika.

Ipinahayag naman ni Rep. Yedda K. Romualdez ang kanyang kasiyahan sa tagumpay ng anak sa Instagram post:

“Damo nga salamat han pagtapod, Tacloban! Here’s to new beginnings and continued progress!”

Nag-ugat ang mga espekulasyon matapos kumpirmahin ni Sarah Lahbati noong Marso 1, 2024, sa isang panayam sa ABS-CBN na hiwalay na sila ng asawang si Richard Gutierrez. Sa parehong panayam, sinabi ni Sarah na wala pa silang sinisimulang annulment process noon.

Subalit nitong Enero 2025, kinumpirma ni Richard sa hiwalay na panayam na nasa proseso na sila ng annulment.

Nagpakasal sina Sarah at Richard noong 2020 at mayroon silang dalawang anak: sina Zion at Kai.