PATULOY ang isinasagawang pagbisita ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte sa mga paraalan para imonitor ang pilot testing ng “Matatag” curriculum ng education department.
Nagtungo si VP Sara sa Lanna National High School sa Tumauini, Isabela kung saan nakadaupang-palad niya ang mga estudyante upang alamin ang kanilang progreso at pakinggan ang kanilang mga concern. Ito na ang ikalawang Matatag K-10 Curriculum Pilot School Implementer na kanyang binisita sa Cagayan Valley.
“Ito ay upang masiguro na maayos ang implementasyon ng ating programa at upang kamustahin ang mga guro at mag-aaral hinggil dito,” aniya sa Facebook post.
Kasama na rin aniya sa MATATAG Program ang lahat ng pagsisikap ng pamahalaan na pagandahin ang mga international score ng Pilipinas, lalo na sa mga asignatura ng STEM (Science, Technology, Engineering, Mathematics). Binibigyan din ng pagkakataon ang mga nagsipagtapos ng Grade 10 na mamili kung sila ay mag-vocational, technical training, o itutuloy nila ang kanilang pag-aaral. Ito aniya ang malaking system changes na ginagawa ng gobyerno ngayon.
Ang MATATAG curriculum sa ilalim ng bagong K-10 program ay tututok sa basic education ng bansa, na siyang tutugon sa mga problemang tinukoy ng mga eksperto ng international at local education.
Kasama sa mga pagbabago, ani VP Sara, ay ang pagbabawas ng napakaraming learning competencies. Mula 11,000 ay magiging 3,000 learning competencies na lang ang mga ito. Binaba na rin sa limang subjects mula sa dating pito ang pag-aaralan ng mga estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 3, upang matutukan ang mga asignaturang Math at Pagbabasa. Ipapasok na aniya ang Science pagkatungtong ng Grade 4.
Inilunsad ng kagawaran ang MATATAG Curriculum sa pagnanais na i-decongest ang kasalukuyang K to 12 Curriculum. Bukod sa pagbabawas ng bilang ng mga kasanayan sa pag-aaral, maging sa pag-pokus sa literasiya, numeracy, at soco-emotional skills mula kindergarten hanggang Grade 3, ang bagong kurikulum ay magpapaigting ng pagbuo ng kagandahang asal at character development sa mga mag-aaral alinsunod sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act, pati na rin ang pagtalima sa 21st Century Skills.
Sa kanyang naging pagbisita, pinangunahan ni VP Sara ang pamamahagi ng school bags sa Grade 7 students at tree planting. Nabanggit din niya ang kahalagahaan ng edukasyon sa pagkamit ng kanilang pangarap.
Nakipagdiyalogo rin siya sa mga guro upang pakinggan ang kanilang concerns patungkol sa isinasagawang reporma ng departamento. Nagkaroon din siya ng oras para ipaliwanag ang Matatag Agenda.
“Muli, maraming salamat sa ating mga magigiting na mga guro sa serbisyo ninyo para sa bayan!” aniya.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund