December 24, 2024

Sangkaterbang bitbit na alipores ipinagtanggol… WEF MISSION ACCOMPLISHMENT – MARCOS

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naging matagumpay ang kanyang misyon sa World Economic Forum annual meeting, habang todo-depensa sa alegasyong malaki umano ang delegasyon ng Pilipinas sa Davos, Switzerland.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Zurich, ipinaliwanag ni Marcos na may kanya-kanyang papel na ginagampanan ang mga bitbit niyang opisyal sa naturang pagpupulong.

“The delegation was large but half of it was private. They came here on their own. They stayed in their own places. They made their own arrangements although they are technically part of the delegation,” paliwanag ni Marcos.

Naglabas ng pahayag si Marcos kasunod na rin ng pagpuna sa kanya ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc sa Kongreso.

Kabilang sa kumuwestiyon sa Pangulo sina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at House Deputy Minority Leader, ACT party-list Rep. France Castro. Anila, hindi “katanggap-tanggap” kung “malaki” ang delegasyon ng Pangulo dahil mula sa buwis ng taumbayan ang ginastos ng mga ito.