Dinagsa ng mga magulang at kanilang mga anak ang paglulunsad ng kampanyang “Ligtas Tigdas” sa lungsod na ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Immunization Week 2026.
Ang aktibidad, na pinangunahan ni Mayor Francis Zamora ngayong Abril 27, 2026, ay naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng mga kabataan laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH), ang inisyatibong ito ay nakaangkla sa Immunization Agenda 2030 ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin nito na paigtingin ang “vaccine access, confidence, at protection” para sa lahat, lalo na’t ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “For Every Generation, Vaccines Work.”
Sa gitna ng ginanap na press briefing, binigyang-diin ni Mayor Zamora na ang pagpapabakuna ay hindi lamang obligasyon ng gobyerno kundi isang “shared responsibility” o responsibilidad ng bawat pamilya.
Aniya, ang lokal na kampanya ay may mensaheng “Bakuna at Proteksyon ni Baby, My Responsibility,” upang paalalahanan ang mga magulang sa kahalagahan ng pagkumpleto sa routine at catch-up immunization ng kanilang mga anak.
Nagpahayag din ng suporta ang mga opisyal mula sa DOH at iba pang medical societies na nakiisa sa ceremonial vaccination.
Ayon sa kanila, ang ganitong mga hakbang ay krusyal upang “matiyak na walang batang maiiwan” at mapanatiling ligtas ang komunidad mula sa banta ng mga nakakahawang sakit tulad ng tigdas at rubella.
