May 18, 2024

SAFETY CERTIFICATES NG 2 SASAKYANG PANDAGAT, SINUSPINDE NG MARINA

Sinuspinde muna ng Maritime Industry Authority ang safety certificates ng dalawang sasakyang pangdagat na nagbanggaan sa Verde island sa Batangas kahapon.

Kinumpirma ng MARINA na naglabas na ng suspension order ang kanilang regional office laban sa  Recreational Safety Certificate ng HOP and GO 1 at Passenger Ship Safety Certificate ng MV Ocean Jet 6.

Kapwa isasailalim sa safety inspection ang dalawa para matukoy kung ligtas pa silang maglayag.

Tatagal ang suspension habang sinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.

Nagpadala na rin ang Marina ng technical personnel roon para magsagawa ng safety investigation.

Dalawa ang namatay sa nasabing banggaan, ang kapitan ng Hop and Go 1 at isa pang crew habang ilang pasahero rin at crew ang nagtamo ng minor injury.