December 25, 2024

Sa OFW voting…
MGA KARIBAL SA PAGKA-PANGULO,
TINAMBAKAN NI BBM?

Larawan mula sa Twitter

Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kumakalat na larawan sa social media kung saan makikita ang pangunguna ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Overseas Partial Exit Polls sa iba’t ibang parte ng mundo.

Matatandaan na nag-viral kahapon ang post kung saan makikita na tambak na tambak ni Marcos ang ibang kandidato.


Ngunit ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez ay posibleng fake news lamang ang kumakalat na mga unofficial results sa social media dahil sa madali lamang daw itong pekein.

“As a general rule, unless na ang nag labas ng exit poll ay isang kilala at reputable na survey firm, hindi ito reliable. Lalo na sa social media, madaling gumawa ng official looking forms or graphics na mukhang legit.” sagot ni Jimenez matapos ang tanong ng isang Kakampink sa kanya tungkol sa kumakalat na resulta ng exit poll.

Ipinaalala rin ni Jimenez na malalaman lang talaga ang totoong resulta ng exit poll kapag nabilang na ito sa Mayo 9.

“An “exit poll” is not the official tally of votes cast in the 2022 National and Local Elections. Tandaan din na bibilangin lang ang mga boto ng Overseas Voting on May 9, AFTER the close of polls.” sabi pa ni Jimenez.

Ilang Twitter users naman ang gigil na gigil at gustong ipakulong ang mga sikat na personalidad na nagpakalat ng unofficial results ng exit polls.

Ayon kasi sa Sec 5. ng R.A 9006 ay ipinagbabawal ang pag-anunsyo ng resulta ng exit polls bago mag Mayo 9.

Hindi pa malaman kung ano ang magiging aksyon ng COMELEC laban sa mga nagpakalat ng nasabing larawan.