PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Imee R. Marcos ang dumaraming reklamo ng mga magulang at mga estudyanteng nag-i-enroll sa ilang top Universities at private schools sa Metro Manila dahil sa labis na bayarin na hindi naman magagamit sa online classes.
Katwiran ni Marcos, dapat mas mababa na ngayon ang gastusin sa blended learning(online classes at modular lesson) kaysa face-to-face education sa harap ng COVID-19 pandemic.
“Hindi na kailangan pang pabayaran ang napakaraming mga miscellaneous fee sa mga pasilidad ng eskwelahan at serbisyo na hindi naman magagamit sa online classes,” giit ni Marcos.
Babala ni Marcos sa Commission on Higher Education na kasado na ang imbestigasyon sa kontrobersya
sakaling hindi ito umaksyon bago ang opening ng klase sa Aug. 24.
Inihain ni Marcos ang Senate Resolution No. 480 nitong Lunes.
Sa natanggap na mga reklamo ni Marcos mula sa mga magulang at grupo ng mga estudyante, kabilang sa mga naniningil pa rin ng sobra-sobrang matrikula ay ang University of the East, University of Sto. Tomas, Ateneo de Manila, CEU, De La Salle at iba pa.
Kabilang sa mga reklamo ay mga nakasingit pa ring misccellaneous fee para sa paggamit umano ng classroom-based internet, kuryente, laboratoryo, library, medical at mga dental clinic.
Sinabi ni Marcos na hindi na magagamit ng mga estudyanteng 21 anyos pababa ang mga pasilidad ng mga unibersidad at pribadong paaralan batay sa guidelines na itinakda noong Hunyo pa lamang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat silang manatili sa kanilang mga pamamahay sa panahon ng lahat ng lebel ng community quarantine.
“Schools should not be playing blind and profiting on what they would no longer provide. Parents and students should definitely be paying less,” dagdag pa ni Marcos.
More Stories
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
BUCOR AT PAO MAGTUTULUNGAN PARA SA INMATE WELFARE PROGRAM
PILIPINAS KATAWA-TAWA NA NGA BA SA MUNDO?