KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes na ang 21-anyos na Russian national na nag-viral sa TikTok dahil sa banta nitong magkakalat ng HIV sa bansa ay negatibo sa naturang virus.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, lumabas sa medikal na pagsusuring isinagawa ng Department of Health (DOH) sa BI Warden’s Facility na walang anumang sakit ang dayuhan.
Ipinaliwanag ni Sandoval na lalong nagpapatibay ito sa kanilang paniniwala na ang ginawa ng dayuhan ay isang uri lamang ng “rage baiting” o sadyang pag-post ng nakakainis na content para lamang humakot ng maraming views at kumita sa social media.
Mariin namang kinondena ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang inasal ng dayuhan na tinawag niyang lubhang nakaka-insulto sa mga Pilipino.
Ayon kay Remulla, bukod sa pagbabanta ng pagpapakalat ng sakit ay nagagawa pa nitong murahin ang mga mamamayan ng bansa, bagay na hindi katanggap-tanggap. Binigyang-diin ng kalihim na bagama’t mahal ng Pilipinas ang mga turista dahil malaking bahagi ito ng ekonomiya, hindi aatrasan ng pamahalaan ang mga dayuhang umaabuso sa hospitalidad ng bansa at nambabastos sa mga Pilipino.
Sa ngayon, idineklara nang “undesirable foreign national” ang naturang Ruso at mananatili sa detensyon habang inihahanda ang kanyang deportasyon.
Samantala, naglabas din ng pahayag ang HIV and AIDS Support House (HASH) upang paalalahanan ang mga content creator na maging responsable sa kanilang mga ginagawa online. Ayon kay HASH Executive Director Desi Andrew Ching, ang insidenteng kinasangkutan ng vlogger sa BGC ay nagpapakita ng mapanganib na epekto ng paggamit sa mga isyu ng pampublikong kalusugan para lamang sa “clout.”
Binigyang-diin ni Ching na ang ganitong iresponsableng gawain ay nagdudulot ng mas matinding stigma o diskriminasyon laban sa mga taong may HIV at nakakasira sa reputasyon ng Pilipinas bilang isang ligtas na destinasyon para sa turismo at migrasyon.
Dahil dito, hinimok ng HASH ang pamahalaan na paigtingin ang mga kampanya para sa tamang impormasyon at kamalayan, partikular na sa mga paliparan at daungan, upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita.
Naniniwala ang grupo na kailangan ang mas malakas na accountability o pananagutan para sa mga vlogger upang masiguro na ang kanilang mga platform ay ginagamit sa tama at hindi nagiging banta sa kaayusan at kalusugan ng publiko.
