ISINULONG ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Huwebes ang kanyang adbokasiya para sa responsableng pagmamay-ari ng baril sa pamamagitan ng apat na araw na shootfest sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City.
Ayon kay Padilla, na isang gun enthusiast, umaasa din siyang matutulungan ng “The Robinhood Padilla Cup (First Mistah Shootfest)” ang mga dating rebelde na nais magbalik-loob, base sa plano ng nag-organisa nito.
“Kapagka ang baril sinama mo ng paging responsable, napakagandang ka-partner nito. Kasangkapan mo yan hindi para awayin mo kapwa mo… Ito ang gusto nating iparating sa ating kababayan. At sino ba ang pinakamagandang magtuturo niyan, siyempre ang Sandatahang Lakas,” aniya.
“Siguro pagkatapos ng ating pangungulungan ng 3 taon na galing sa baril, wala na po sigurong magiging pinakamagandang modelo ng paghawak ng pagiging responsable sa usapin ng baril kundi ako na po yan sapagka’t ako po ay 3.5 taon nakakulong dahil sa illegal possession of firearms. Paglabas ko po ng kulungan, nasa utak ko talaga ang bagong anyo ng buhay. Kailangan may bagong makita, di basagulero o mainit ang ulo,” dagdag niya.
Idiniin din ni Padilla na malaki ang maitutulong ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagturo sa sibilyan ng disiplina sa tamang paggamit ng baril. Aniya, sa pamamagitan ng shootfest, umaasa siya na na mabago ang isipan ng mga sibilyan na ang baril ay pang-karahasan.
Ayon naman sa PMA Banyuhay class of 2002 na nag-organisa ng shootfest, matutulungan ng shootfest ang mga dating rebelde na nais magbalik-loob dahil sa kanila mapupunta ang malilikom para sa shootfest na ito, sa pamamagitan ng scholarship.
Gaganapin ang shootfest mula Mayo 2 hanggang 5. Sa Mayo 2, kasali sa shootfest ang uniformed personnel at opisyal ng pamahalaan. Sa Mayo 5, magkakaroon din ng celebrity fun shoot.
May pahintulot ng Philippine Practical Shooting Association (PPSA) ang shootfest, na papayagan ang paggamit ng handguns, Pistol Caliber Carbines (PCCs), at mini-rifles.
Ang mga lalahok ay magbabayad ng registration fee na P2,500.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA