November 16, 2024

Rider na holdaper arestado sa Caloocan

SWAK sa selda ang isang rider na holdaper matapos mambiktima sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Romey Bryan, 38 ng Block 5 Lot 7 Mangga St. SM Homes Brgy. Deparo.

Sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sakay ang biktima (hindi nabanggit ang pagkakilanlan sa report) sa kanyang motorsiklo nang harangin siya ng suspek na sakay din ng isang pearl white Honda Click na walang plaka saka tinutukan siya ng baril sabay deklara ng holdap.

Sa pangamba sa kaligtasan, ibinigay ng biktima ang kanyang bag na naglalaman ng P3,000 cash subalit, hindi pa nakontento ang suspek ay hinalughog pa nito ang compartment ng motorsiklo at kinuha ang isang purse na may laman P2,024 cash at tatlong account record books.

Matapos nito, tumakas ang suspek habang nagsisigaw naman na humingi ng tulong ang biktima na naging dahilan ng kaguluhan at makatawag ng pansin sa mga nagpaparolyang pulis sa lugar na agad hinabol ang holdaper na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-5:00 ng hapon sa Bahay Bukid, Brgy. 178.

 Nakumpiska sa suspek ang isang cal. 38 revolver na may tatlong bala, motoriklo, helmet, P5,024 cash, tatlong record books, driver’s license ng Vivian Joy Ortiz Gallardo at motorcycle plate number 921QSB.

Mahaharap ang suspek sa kasong Art. 294 of the RPC (Robbery with Violence against or Intimidation of Person) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act). (JUVY LUCERO)