December 24, 2024

RICE IMPORTERS KINASUHAN NG BOC

NAGHAIN ang Bureau of Customs (BOC) ng apat na agricultural smuggling na kaso laban sa mga rice importer na konektado sa isang warehouse sa Bulacan na punong-puno ng imported na bigas.

 “Ito po iyong mga ni-raid noong Aug. 24 sa Bulacan and pardon me po kung hindi ko mapapangalanan iyong mga akusado,” ayon kay William Balayo, acting director ng BOC Legal Service, sa isang news forum.

“Tatlo po dito ay iyong economic sabotage,” dagdag niya.

Paliwanag ni Balayo, bagama’t ang tatlong kaso ay itinuturing na “large-scale”, ang isang kaso ay hindi nakaabot sa PHP10-million threshold at ibinaba sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), bagama’t nasa ilalim din ito ng agricultural product smuggling partikular na dito ang bigas.

Noong nakaraang Agosto, nadiskubre ng BOC ang aabot sa P1 bilyon na imported na bigas nang salakayin nito ang mga warehouse sa Bulacan.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Marlon Agaceta, chief of staff ng tanggapan ni Rubio, na mayroong apat na nakabinbing letter of authority (LOA) na ipinatupad laban sa apat na bodega na may kaugnayan sa pag-angkat ng bigas.

Para sa dalawang importer, ang deadline para sa pagsusumite ng kaukulang import documents upang ipakita ang legalidad ng importasyon at patunay ng pagbabayad ng tamang duties at taxes ay lumipas noong Biyernes, Set. 29.

Ang unang bodega ay mayroong 9,906 sako ng imported na bigas at ang isa naman ay may 5,257 sako.

Sinabi ni Agaceta na dapat bigyan ng panahon ng BOC ang kabilang partido na patunayan ang legalidad ng importasyon, na bahagi ng due process.

Nabatid na ang mga nasamsam na kalakal ay ibinibigay sa Department of Social Welfare and Development para ipamahagi sa mga mahihirap na sektor.