December 25, 2024

Resolusyon para sa federalism, parliamentary gov’t inihain

Panahon na para amiyendahan ang ilang probisyon ng Saligang Batas — kasama na ang pagkakaroon ng pederalismo at parliamentary government — para matupad ang layunin nitong bigyan ang Pilipino ng makatarungang lipunan, ayon kay Senador Robinhood Padilla.

Sabi ng bagitong senador, may mga probisyon sa Saligang Batas na nagiging sagabal sa paglago at pag-unlad ng ating ekonomiya at kabuhayan.

“While sovereign Filipino people promulgated the Constitution in order to build a just and humane society, it is unfortunate that after 35 years from its effectivity, we have yet to attain a ‘just and humane society,’” sabi ni Padilla sa kanyang Senate Resolution 6.

Ayon pa sa mambabatas, dapat ding pag-aralan ang pederalismo para mas maayos na matugunan ang alalahanin ng mamamayan sa iba’t ibang rehiyon.

Sa ilalim ng federal form of government, sinabi ni Padilla na hindi na centralized ang kapangyarihan ng gobyerno – habang sa ilalim ng parliamentary system, magkakaroon ng mapayapang pagtanggal sa pinuno hindi tulad ng kudeta o “mob rule.”

Samantala, ipinunto ni Padilla na dapat pag-aralan ang economic provisions ng Saligang Batas dahil marami itong restrictions sa foreign equity sa natural resources, public utilities, build-operate-transfer projects, equity sa mass media, at iba pa.

“As it is hereby resolved to direct the Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes (the Committee) to review and study the 1987 Constitution for possible revision on the provisions particular to the form, structure, and power of government, economy and patrimony, and for other purposes,” sabi pa niya sa kanyang resolusyon.