January 23, 2025

REP. TIANGCO SA MMDA, TALAKAYIN ANG LEGAL ACTION SA PINSALA NG FLOODGATE

HINILING ni Navotas Representative Toby Tiangco ang legal na aksyon laban sa kompanyang responsable sa pagkasira ng Tangos-Tanza Navigational Gate, kung saan binibigyang-diin ang agarang pangangailangan para sa pananagutan.

Kung gumagana aniya ang flood gate ay maaaring makontrol ng 81 pumping stations ng pamahalaang lungsod ang pagbaha.

Dagdag niya, “In fact, during Ondoy, flooding was controlled even if we only had 24 bombastik stations at that time.”

Sinabi ng solon na mahigpit siyang nakikipag-ugnayan sa MMDA, ang ahensyang may hurisdiksyon sa pagsasampa ng kaso laban sa responsabling kumpanya. Desidido siyang tiyaking mananagot ang may-ari ng bangka at tagboat na may kasalanan.

“Napalaking perwisyo ang idinulot ng pagkasira ng floodgate dahil ito ang humaharang sa pagpasok ng tubig kapag high tide. Hindi sana nahihirapan ang mga Navoteño ngayon kung hindi nasira ang floodgate, dahil kakayanin ng 81 pumping stations na makontrol ang taas ng baha. Mas malala pa nga ang sitwasyon noong bagyong Ondoy, pero kontrolado ng Navotas LGU ang baha kahit na mas konti pa ang pumping stations,” ani Tiangco.

“We’re studying the legal options available to make those responsible for the damage of the navigational gate accountable. Ang iniisip natin dito ay ‘yong mga pamilyang Navoteño na binaha dahil sa pagkasira ng floodgate. Hindi biro ang dinaranas nila ngayon kaya kailangan din makipag-usap muli sa MMDA para malaman anong kaso ang maaaring isampa,” dagdag niya.

Nasira ang floodgate matapos bumangga dito ang isang vessel na hinahatak ng tugboats, na nagresulta ng pagbaha sa Navotas.

“Yong pagpilit na hilahin ang barko ng tugboats pagkatapos mabangga ang floodgate, kahit pinipigilan na sila ng mga personnel ng floodgate, hindi aksidente ‘yon,” giit niya. 

Binigyang-diinni Tiangco na nakontrol na ang pagbaha sa Navotas mula nang magtayo ang pamahalaang lungsod ng bombastik pumping stations, na nasa 81 na at humihigop ng tubig sa panahon ng malakas na pag-ulan at high tide.

“Patuloy po ang pag operate ng mga Bombastik Pumping Stations para mabilis na mapahupa ang tubig na nakakapasok sa ating lugar, ngunit hindi nito kaya pag walang pumipigil sa pagpasok ng tubig-dagat,” sabi ni Tiangco.

“Nag-umpisa na rin ang dredging para sa pag-aayos ng floodgate pero naaantala rin ngayon dahil sa bagyo. Pero hindi sana ito problema kung hindi pinwersa ng apat na tugboat ang paghila sa vessel nila na nakasira ng floodgate,” dagdag niya.

Ayon pa sa kanya, patuloy naman ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco sa mga apektadong residente ng pagbaha. Ang mga residente na nangangailangan ng tulong, maari aniya makipag-ugnayan sa emergency hotline ng lungsod sa 8281-1111 at TXT JRT numbers 0917-521-8578 para sa Globe, 0908-886-8578 para sa Smart at 0922-888-8578 para sa Sun subscribers.