December 23, 2024

RENO LIVER SPREAD, MAPANGANIB (Hindi rehistrado sa FDA)

NAGBABALA ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagkonsumo at pagbili ng limang hindi rehistradong food products.

Sa advisory na may petsang Aug. 26 at inilabas sa FDA website nitong Sept. 16, ang mga sumusunod na produkto ang hindi rehistrado sa ahensiya:

· Reno Liver Spread

· Miracle White Advance Whitening Capsules Food Supplement

· Turcumin 100% Natural & Standardized Turmeric Curcumin

· Desa Spanish Style Bangus in Corn Oil

· Samantha’s Dips and Sauce Spanish Sardines Paste Sauce

Napatunayan sa pamamagitan ng isinagawang online monitoring o post-marketing surveillance na ang mga nabanggit na food product at food supplement ay hindi dumaan sa proseso ng rehistrasyon ng ahensya at hindi nabigyan ng kaukulang awtorisasyon tulad ng Certificate of Product Registration.

“Thus, the FDA has a responsibility to inform the public, through an advisory, that RENO Brand Liver Spread is NOT REGISTERED as of this date as a processed food product and must secure the required authorization from this Office,”  ayon sa FDA.

Kabilang din sa mga hindi nakarehistro ang Memer Food products, KM Foods products, Special Wana’s Crab Paste, Baguio Special Strawberry Jam at The Original Romulo’s Thinnest and Crunchiest Chips.

Ayon sa FDA, dahil ang mga hindi rehistradong produkto ay hindi dumaan sa proseso ng pagsusuri at pag-eeksamin nila, hindi masisiguro ang epekto, kalidad at kaligtasan ng mga ito.

Nilinaw ng ahensiya na para maging rehistrado sa FDA ang isang produkto, dapat munang unahin ng kompanya ang pagkuha ng license-to-operate (LTO) at CPR.

Ang LTO, ayon sa FDA, ay isang awtorisasyon na ipinagkakaloob sa mga manufacturer, repacker, importer, distributor, wholesaler, trader na pumasa sa FDA guidelines gaya ng Good Manufacturing Practices.

Samantala ang evaluation process ng CPR,  ay kinakailangang masuri ang kaligtasan at kalidad ng kanilang produkto na may angkop na standards at issuances,” ayon sa FDA.