November 21, 2024

REKLAMONG GRAVE THREAT VS EX-PRES. DUTERTE IBINASURA (Rep. Castro nangamote sa ebidensiya)

Ibinasura ng Quezon City Prosecutors Office ang kasong grave threat na isinampa ni ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa 14 na pahinang desisyon na pirmado ni Deputy City Prosecutor Leilia Llanes, nakitaan ng kawalan ng sapat na ebidensya ang kaso ni Castro laban sa dating pangulo.

Nag-ugat ang kaso matapos umanong pagbantaan ni Duterte ang buhay ni Castro sa kaniyang TV program na Gikan sa Masa Para sa Masa sa SMNI.

Ngunit saad ng piskalya, kulang sa ‘mens rea’ o criminal intent ang binitawang pahayag ng dating pangulo.

Nauna nang ipinaliwanag ng kampo ng nakatatandang Duterte na ibinahagi lamang nito sa kaniyang TV programa ang naging usapan nila ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte sa isyu noon ng confidential at intelligence funds.

Doon naman hinugot ni Castro ang kaso laban sa former chief executive dahil raw sa mga katagang: “Pero ang una mong target d’yan (sa) intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin. Sabihin mo na sa kanya.”

Ngunit paliwanag ng piskalya na hindi pagbabanta ang ginawa ng dating punong ehekutibo.

Malinaw aniya na opinyon lamang ito at nagbabanggit lamang ng mga personal na mungkahi noong nag-uusap sila ni VP Sara.

“It cannot be presumed that by recounting the conversations he had with his daughter, respondent intended complainant to be harassed or intimidated. His remarks were merely in the nature of an opinion and meant only to express his suggestion to his daughter regarding the intelligence funds issue,” nsaad ng desisyon.

Kaya sa huli, ibinasura dahil walang probable cause ang sana’y pinakaunang kaso laban sa dating pangulo.