Mariing pinabulaanan ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane ang akusasyon ng isang resort owner na dredging activities ang pagkasira ng Bucao River. Ayon kay Ebdane, kailangan nang mahukay na ang tone-toneladang lahar na bumabara sa daluyan ng tubig-ilog mula sa kalupaan patungo sa karagatan.
Sa panayam kay Governor nitong Biyernes, sinabi nitong lubhang kasinungalingan ang ipinagkalat ng isang nagngangalang Heidi Fernandez, na nagsabing may seabed quarrying na nagaganap sa karagatang malapit sa bunganga ng Bucao river. De-silting project lamang ang pinayagan ni Ebdane sa Bucao river upang ma-rehabilitate na ang ilog.
Napag-alamang pamilya diumano ni Fernandez ang may-ari ng Zambowood resort, isa sa pinakamalaking resort sa Zambales. Posible aniyang pinagtatakpan ni Fernandez ang operasyon ng kanilang resort na pinapaimbestiga sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil wala itong titulo ng lupa at walang pahiintulot para makapag-operate sa beach front ng Bucao river.
Noon pang 2019 ipinanukala ni Governor Ebdane ang de-silting dahil sa tone-toneladang lahar na ang natipon sa bunganga ng Bucao river na nagiging dahilan ng pagbaha sa mga malalapit na barangay. Hindi na aniya makadaloy ng maigi ang tubig ulan mula sa kalupaan patungo sa karagatan bunga ng tone-toneladang lahar na humarang sa daluyan ng tubig ulan.
Pinatotohanan naman ng barangay kapitana ng Porac na si Lolita Angeles at Rogel Deliguin, barangay captain naman ng Bangan sa Botolan na kailangan nang mag desilting sa Bucao river upang ma-rehabilitate na ang ilog.
Nagsimula aniyang mabara ang daluyan ng ilog noong kasagsagan ng bagyong Undoy noong 2009. Pinabulaanan din nina Angeles at Deliguin ang akusasyon ni Hernandez na inagos ng baha ang mahigit tatlong daang kabahayan sa Bangan. Ayon kay Angeles, nagsimula ang soil erosion noon pang 2009 samantalang nagsimula lamang ang de-silting project sa Bucao river noon lamang 2022.
Posible aniyang kasuhan ng libelo ng butihing gobernador si Fernandez makaraaang akusahan nitong kumikita ang gubernador bunga ng desilting activities. Ang ka-kontrata diumano ng dredging contractor ay sa panlalawigang pamahalaan na siyang tumatanggap sa anumang buwis na pinapataw sa nagkuha ng buhanging lahar.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA