November 18, 2024

REKLAMASYON SA MANILA BAY, REREPASUHIN

Kara-karakang nagpatawag ng “pagrepaso” ang mga senador at upisyal ng rehimeng Marcos Jr kaugnay sa nagaganap na mga operasyon para sa reklamasyon ng maraming bahagi ng Manila Bay. Kaagad ring binuo ng Department of Environment and Natural Resources ang isang grupo para magsagawa ng pag-aaral sa epekto ng mga aktibidad na ito sa Manila Bay.

Bago nito, puro pangako ang binitawan ng kalihim ng DENR sa harap ng malakas na panawagan ang mga grupong mangingisda, maralita at maka-kalikasan na itigil na ang lahat ng mga reklamasyon hindi lamang sa Manila Bay, kundi sa buong bansa.

Matagal nang panawagan ng mga demokratikong grupo ang pagpapatigil sa lahat ng reklamasyon sa bansa, partikular sa Manila Bay, dahil sa pinsalang dala nito sa kabuhayan ng mga mangingisda. Kabilang dito ang pagpapatigil sa pagtatayo ng Aerotropolis, ang dambuhalang proyektong paliparan ni Ramon Ang sa Bulacan.

Noong Mayo, isinuspinde ng DENR ang paggawad ng bagong mga permit para sa di pa aprubadong mga proyektong reklamasyon. Subalit tumanggi itong ipahinto ang umiiral nang mga proyekto dahil kailangan diumano nitong “respetuhin” ang mga permit na naigawad na ng nagdaang rehimen.

Nagkukumahog ito ngayon matapos magsalita ang upisyal ng US Embassy laban dito, pangunahin dahil isa sa mga aprubadong proyekto ay 25 metro lamang ang layo sa embahada nito sa Roxas Boulevard. Bukambibig ng upisyal na ito ang “pinsala” ng reklamasyon, “negatibong epekto sa mga puno at kalikasan,” kahit pa sa nakaraan, naibalitang binalak din nitong mag-reklamasyon para palawakin ang saklaw ng embahada. Ang totoo, mas inaalala ng US ang mapalilibutan ang embahada nito ng mga kumpanyang Chinese, na kabilang sa nakikitang pangunahing mamumuhunan sa pagtatayo ng mga artipisyal na isla sa Manila Bay.

Ginagamit ng US ang presensya ng China Communications Construction Company sa mga proyektong reklamasyon bilang isa sa mga dahilan ng pagtutol. Ang CCCC ay isang kumpanyang inaakusahan ng World Bank at Asian Development Bank na sangkot sa mga “maanolmayang gawi sa pagnenegosyo” (fraudulent business practices). Blacklisted din ito ng US Department of Commerce.

Ang CCCC ay isa sa mga kumpanyang kinontrata ng gubyerno ng China sa iligal na reklamasyon ng mga artipisyal na isla at pagtatayo ng mga pasilidad militar sa South China Sea, kabilang sa loob soberanong karagatan ng Pilipinas.

Sangkot din ito sa malalaking proyektong imprastruktura ng nagdaan at kasalukuyang rehimen. Isa rito ang mapaminsalang Samal Island-Davao Connector Project, na maglalatag ng tulay na sisira sa protektadong karagatan. Sangkot din ang CCCC sa pagtatayo ng Binondo-Intramuros Bridge at isa pang tulay na magdudugtong ng North sa South Harbor.