May 17, 2024

PULIS, MOTORISTA NAGDUWELO; BYSTANDER NADAMAY (Sa away-trapiko sa Cavite)

AMADEO, CAVITE  – Arestado ang isang pulis at isang sibilyan matapos na magduwelo dahil sa away trapiko na ikinasugat ng isang by stander na biktima bandang10:50 ng umaga nuon araw ng lunes sa Purok Ilaya Maitim 1st, ng nasabing bayan.

Ayon sa report ng Amadeo Municipal Police Station nagkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa trapiko ang pulis na si Police Staff Sargeant Hermogenes Tapangco Jr. na nakatalaga sa San Pedro Laguna at ang motoristang si Leandro Baurile, nasa hustong gulang.

Umuwi umano ng bahay si Baurile at kinuha ang baril na kalibre 38 na loaded ng apat (4) na piraso ng mga bala at bumalik sa lugar ng insidente subalit naging maagap ang pulis na si Tapangco Jr., at binunot ang kanyang service fire arms na Glock 17 na may laman na isang magazine at loaded ng labing limang (15) piraso ng mga bala at pinaputokan si Baurile subalit hindi tinamaan at nasapul ng bala sa hita ang biktima na si Jonathan Causaren, na agad dinala sa Tagaytay Medical Center sa Tagaytay City para gamotin.

Agad naman inaresto ng mga otoridad ng Amadeo PNP ang kabaro nilang pulis at ang nakasagutan nitong motorista na parehong nahaharap sa patong patong na kaso at nasa kustodiya ngayon ng Amadeo Custodial Facility. (KOI HIPOLITO)