BAGSAK sa kulungan ang isang panaderong akusado sa kaso ng panghahalay makaraang madakip ng Intelligence Section (IS) ng Caloocan police sa ikinasang manhunt operation sa Quezon City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang nadakip na si Juver Ordinario, 44, tubong Negros Occidental at kasalukuyang naninirahan sa 161 Kaingin Road, Brgy. Apolonio Samson Balintawak, Quezon City.
Sa ipinadalang ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon si P/Maj. John David Chua, hepe ng Intelligence Section, kaugnay pananatili ni Ordinario sa tinutuluyang bahay sa Quezon City.
Katuwang ang mga tauhan ng District Intelligence Division ng NPD at 4th Mobile Force Company-Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO (MFC-RMFB), agad nagsagawa ng manhunt operation ang IS na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado malapit sa kanyang bahay dakong alas-5:40 ng umaga.
Si Ordinario ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Ma. Teresa De Guzman Alvarez ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 131 noong Agosto 1, 2023 para sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A na may kaugnayan sa Article 266-B ng Revised Penal Code.
Ayon kay Col. Lacuesta, pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Caloocan Police Station habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund