December 21, 2024

RAMDAM MO BA? EKONOMIYA NG PILIPINAS, LUMAGO NANG 5.7% NITONG Q1

BAHAGYANG bumilis ang paglago ng ekonomiya sa first quarter ng 2024 sa kabila ng mataas na inflation at interest rates.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) bumilis ang paglago ng gross domestic product (GDP) sa 5.7%  nitong January-March 2024.

Mas mabilis ito sa 5.5% GDP growth sa huling kuwarter ng 2023; pero mas mabagal naman sa 6.4% na paglago ng ekonomiya sa unang kuwarter ng 2023.

Mas mababa rin ang paglago ng GDP sa tina-target ng mga economic managers sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) na 6-7%.

Kumpyansa ang National Economic and Development Authority o NEDA na kayang abutin ng bansa ang 6-7% growth target ngayong taon.

Ibinida ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na halos katulad ng Vietnam ang GDP growth rate ng bansa sa unang quarter ng taon, nalampasan naman nito ang ekonomiya ng ilang bansa sa Southeast Asia katulad ng China na nasa 5.3%, Indonesia 5.1%, at Malaysia 3.9%.

Pagtitiyak pa ni Balisacan, sa kabila ng iba’t ibang risk at challenges na kinakaharap ng bansa tulad ng El Niño, nananatiling committed ang pamahalaan sa pagkamit ng mabilis, sustained, at inclusive economic growth, para sa mas matatag, maginhawa, at panatag na buhay para sa lahat ng Pilipino.

Bagama’t sumirit pataas ang GDP growth, hindi naman nangangahulugang ramdam ito ng taumbayan, dahil sa pagdami ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa at pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo.