September 20, 2024

RADIO BLOCKTIMER TINANIMAN NG BALA SA DIBDIB


Patay matapos binaril ng hindi pa nakikilala na mga suspek ang broadcaster na si Rey Cortes pasado alas-9:00 kaninang umaga sa Brgy. Mambaling, lungsod ng Cebu.

Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, kasama rin na broadcaster ng biktima, katatapos lang ng radio program ni Cortes at pauwi na sana ito at papasok na sa kanyang sasakyan nang binaril ito ng riding-in-tandem suspects.

Una rito, inanyayahan pa umano ito ni Tumulak na kakain muna ngunit pabiro itong sumagot na hindi siya kakain dahil kaarawan ng kanyang asawa ngayon.

Sumahimpapawid na ng mga oras na iyon ang konsehal sa radio program din nito nang matanggap ang nangyari sa ibaba ng kanilang radio station.

Kaya naman kaagad itong bumaba at naabutan pa ang biktima na nakahandusay na at duguan.

Kaagad na tinulongan ng konsehal si Cortes at pinahatid sa Cebu City Medical Center (CCMC).

Inihayag ni Tumulak na nagtamo ng tama sa dibdib si Cortes at nasa critical umano na sitwasyon.

Pero ayon sa nakalap na impormasyon, alas-9:55 ng umaga nawalan ng buhay ito nang makarating sa hospital.

Si Rey Cortes ay isang brodkaster at komentarista sa isa sa mga AM radio stations sa lungsod ng Cebu.