November 2, 2024

QUEZON CITY CANDIDATE, IPINAARESTO SA PHARMALLY SCANDAL

Iniutos ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Enero 27, ang pag-aresto sa isang babae na kumakandidato sa pagka-kongresista sa Quezon City at limang iba pa kaugnay ng umano’y pagkakadawit sa maanomalyang bilyun-bilyong kontrata ng Pharmally Pharmaceutical Corporation para sana sa pagbili ng COVID-19 medical supplies.

Bukod kay dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) chief, Christopher Lloyd Lao na ilang buwan nang nawawala at naiulat na nagtatago sa Davao del Sur, ipinaaaresto rin ni Committee chairman Senator Richard Gordon, sina Rose Nono Lim, tumatakbo sa pagka-kongresista sa QC, Dennis Manalastas, Gerald Cruz, Jayson Uson, at Sophia Custodio.

Idinahilan ni Gordon, hindi inirerespeto ng anim ang Senado dahil hindi nila sinisipot ang sunud-sunod pagdinig sa usapin.

Aniya, nanganganib din ang kanyang buhay matapos siyang sabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte na may taong naghahanap sa kanya.

Paliwanag ni Gordon na asawa ni Lim si Linn Wei Xiong, ang financial manager ng Pharmally na nagbibigay ng pahintulot upang mag-deposit at nag-withdraw sa mga bank accounts ng nasabing kumpanya.

Naiulat na si Xiong ay nasa Dubai dahil pinangangasiwaan umano nito ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Katulad ng kanyang asawa, naiulat din na nagpositibo sa COVID-19 si Xiong.

Hinala naman ni Senate Majority Leader Franklin Drilon, nagkaroon ng “ghost deliveries” ng COVID-19 medical supplies batay na rin sa testimonya ni Raymond Abrea, presidente at CEO ng Asian Consulting Group (ACG) na mayroon P7.3 bilyong unsupported purchases at P6.3 bilyong kabuuang tax deficiency ang Pharmally at dalawang iba pang kumpanyang itinatag ilang buwan bago ang pagkakatatag ng naturang pharmaceutical company.

Nagtataka rin si Drilon kung bakit nakipagkontrata pa ang PS-DBM ng P10 bilyon sa Pharmally kahit mayroon lamang itong puhunan na P625,000.

Nanindigan naman si Drilon na ipatutupad nila ang panuntunan ng Senate Blue Ribbon Committee kaya iko-contempt nila ang mga ito.

Nauna nang inihayag ni Gordon na anim ang mamahaling sasakyan si Lim at nakatira pa ito sa Forbes Park sa Makati City.
Kabilang aniya sa mga ito ang isang Cadillac Escalade na nagkakahalaga ng P8.9 milyon at lahat ay nagkakahalaga ng P38.3 milyon.