
QUEZON CITY — All-out ang selebrasyon ng Earth Day 2025 sa Quezon City, tampok ang makabuluhang mga aktibidad laban sa textile pollution, pagbabawas ng plastik, at pagtutulak ng sustainability sa komunidad.
Pinangunahan ng Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD), sinimulan ang linggo ng selebrasyon sa “Car-free, Carefree Sunday” noong Abril 20. Nag-zumba ang mga pamilya, sumali sa Easter Egg Word Hunt tungkol sa environmental programs ng lungsod, at namigay ng mga fruit-bearing tree saplings para palaganapin ang urban greening.
Noong Abril 22, katuwang ang Quezon City Public Library at ang Kabahagi Center for Children with Disabilities, isinagawa ang isang puppet show adaptation ng kuwentong pangkalikasan na “Ako na Mauuna” para sa mga batang may kapansanan.
Isa sa mga tampok na event ang RetaShow: QC’s Catwalk to Sustainability – Kidswear Edition noong Abril 23, kung saan rumampa ang mga bata suot ang upcycled fashion — damit na gawa sa pinaglumaan at nirepasong materyales. Layunin ng event na i-promote ang creativity with sustainability habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-reuse ng mga lumang kasuotan.
“Hindi alam ng marami, matagal na nating nilalabanan ang textile pollution ng fast fashion. Ang paggamit muli ng lumang damit ay bahagi ng ating kulturang Pilipino. Panahon na para buhayin at ituro ito sa kabataan,” ani Mayor Joy Belmonte.
Ngayong Biyernes, Abril 25, gaganapin naman ang RePorma: QC Hall Employees Clothes Swapping Event, kung saan hinihikayat ang mga empleyado ng lungsod na magsalin-salin, mag-donate, at mag-upcycle ng damit imbes na itapon.
Simula rin ngayong linggo, pormal nang ipinatutupad ang pagbabawal sa single-use plastics at disposable materials sa lahat ng gusali at pasilidad ng Quezon City Hall.
“We cannot confront the climate crisis alone,” pahayag ni Belmonte. “Kailangan natin ang suporta ng bawat isa—mula sa pribadong sektor hanggang sa mga residente. Sama-sama nating aabutin ang layuning Zero Carbon by 2050.”
Isang inspiradong Earth Day ang hatid ng Quezon City—di lang para sa kalikasan, kundi para sa susunod na henerasyon.
More Stories
Pinay Lawyer, Pasok sa Top 200 World Rankings sa Padel
REBELDE NA NANUNOG NG SIMBAHAN SA ILIGAN, ARETADO SA BUKIDNON
NBI, Mag-iimbestiga sa Umano’y Troll Farm ng China sa Pilipinas