NAGPAHAYAG ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga organizers ng community pantries sa gitna ng umano’y ‘red-tagging’ na isinasagawa ng government security officials.
Sa isang pahayag, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na poprotektahan ng lokal na pamahalaan ang mga organizers at beneficiaries ng community pantries.
“Nais kong personal na tiyakin kay Ms. Ana Patricia Non at iba pang indibidwal na may katulad na hangarin na buo ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Community Pantries,” aniya.
“Ipinakikita ng mga ganitong pagkilos ang diwa ng bayanihan na likas na sa QCitizens. Kaya gustong tiyakin ng siyudad sa mga organizer at benepisyaryo ng Community Pantries na sila’y ligtas at hindi pipigilan,” dagdag pa niya.
Si Non ay ang organizer ng Maginhawa Community Pantry, na naging inspirasyon ng iba para dumami ang community pantries sa iba’t ibang bahagi ng bansa na ang layunin ay matulungan ang mga pamilya na apektado ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.
Noong Lunes, inanunsiyo ni Non ang kanilang operasyon para sa kaligtasan ng kanilang volunteer kasunod ng umano’y sinasabing ‘red-tagging.’
Sinabi ni Belmonte na hiniling niya rin kay Quezon City Police District director Police Brigadier General Antonio Yarra na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa pangamba at mga nakalipas na karanasan ni Non.
Bukod dito, makikipagpulong din si Belmonte kay Station 9 Commancer Police Lieutenant Colonel Imelda Reyes na siyang nakakasakop sa Maginhawa, upang talakayin ang pangamba ni Ms. Non ukol sa kanyang seguridad.
Nakipag-ugnayan na rin si Belmonte kay Non at tinalakay ang kanyang pangamba tungkol sa kanyang kaligtasan at seguridad.
Sinabi rin ng alkalde na ilang araw nang tumutulong ang Task Force Disiplina at mga lider sa barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan ay kaayusan sa Maginhawa Community Pantry.
Nabanggit niya na naroon lang sila upang paalalahanan ang publiko kaugnay sa pagsunod sa minimum health standards at tumulong sa crowd control ng mga tao.
“Sa panahon ng kagipitan na ating nararanasan, hayaan nating manaig ang kabutihan at diwa ng pagbibigayan at pagtutulungan. Mabuhay po tayong lahat, at magtulungan po tayong lahat,” pagtatapos ni Belmonte.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE