Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mahigit 15,000 pulis upang magbantay sa mga nakatakdang kilos-protesta laban sa korapsyon sa darating na Setyembre 21.
Kasabay ng malawakang deployment, tiniyak din ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na mahigpit na ipatutupad ng kapulisan ang maximum tolerance sa hanay ng mga magsasagawa ng rally.
Sa panayam ng media, kinumpirma ni Abrahano ang paghahanda ng kapulisan para sa naturang pagtitipon.
“We are preparing for that,” pahayag ni Abrahano. “We will be deploying more than 15,000 na mga kapulisan natin to ensure na ‘yung mga rallies na mangyayari ay peaceful, although we respect ‘yung kanilang karapatan to express themselves.”
Idinagdag pa ng hepe na bukas ang linya ng komunikasyon sa mga lider ng mga grupo, ngunit nagpaalala itong may kaakibat na limitasyon ang bawat karapatan at kailangang manatiling alinsunod sa batas ang kanilang pagkilos.
“Iyon sinabi ko sa kanila na ang pulis ay mag-eexercise ng maximum tolerance. At nakikipag-usap ako sa kanila. Sana maintindihan nila na talagang nirerespeto nga namin ‘yung kanilang karapatan para ihayag ‘yung kanilang mga pananaw, but merong limitations ‘yung ating bawat karapatan. I know na alam naman nila ‘yung batas, kailangang sundin din nila. We hope na maging orderly ‘yung kanilang pagtitipon,” dagdag pa ng opisyal.
Ang pahayag ng NCRPO ay kasunod ng paghahanda ng iba’t ibang progresibong grupo para sa serye ng kilos-protesta sa Setyembre 21 upang kondenahin ang umano’y korapsyon sa pamahalaan—isang taon matapos ang mga protesta ukol sa kontrobersiya sa flood control projects.
Nakatakda rin ang petsang Setyembre 21 sa paggunita ng anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar (Martial Law) ng noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ama ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
