October 30, 2024

PULONG, ASAWA NI VP SARA, EX-BOC CHIEF ET AL KINASUHAN NG DRUG SMUGGLING

NAGSAMPA ng kasong drug smuggling si dating Senator Antonio Trillanes sa Department of Justice (DOJ) laban kina Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, Atty. Mans Carpio – asawa ni Vice President Sara Duterte, dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang personalidad na umano’y sangkot sa P6.4 bilyon shabu shipment na nasabat noong 2017.

Kabilang din sa kinasuhan ay si Taiwanese businessman Charlie Tan, at iba pang Davao local officials, isang retiradong military mula sa Davao.

Ito ay may kinalaman sa mahigit P6.4 billion shabu shipment na nasabat noong taong 2017.

Ayon kay Trillanes, sapat ang kanilang nakalap na mga dokumento at testimonial evidence sa isinagawang Senate inquiry noong 2017 kung saan siya senador pa.

Paliwanag pa nito na si Charlie Tan na kasosyo ni Michael Yang ang tumatayong pinaka drug lord habang itinuro ni Trillanes si Pulong Duterte at Mans Carpio bilang protektor umano ng mga ito.

Nagsisilbi rin umanoy facilitator ng mga ito si dating Customs commissioner Nicanor Faeldon at iba pang mga indibidwal na kabilang sa reklamo.

“Ngayong araw, ako po ay nagsampa ng drug smuggling case sa DOJ laban kina Pulong Duterte, Mans Carpio, Charlie Tan, Nic Faeldon, Allen Capuyan at iba pang miyembro ng Davao group kaugnay sa P6.4 billion shabu shipment na nahuli noong 2017.”

Ang mga ito ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Section 4 in in relation to Section 26(a) ng Republic Act (RA) 9165 o mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inamyendahan ng RA 10640 at paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Naniniwala si Trillanes na sa pagkakataon ito ay hindi na maiimpluwesyahan ng pamilya Duterte ang hudikatura.