Natagpuan ang pinagpuputol na katawan ng isang pulis sa Baguio City matapos mapatay ng kapwa niyang pulis sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon kay P/Maj. Hazel Asilo, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), inamin ng suspek na pulis na si Police Lieutenant Colonel Roderick Pascua kung saan niya dinala ang bangkay ng biktima na si Police Executive Master Sergeant Emmanuel De Asis matapos niya itong mabaril.
“Sa statement po ng ating suspek is matapos niyang mabaril is dinismember niya, nilagay sa sako at pagkatapos ay dinala ng Baguio para doon ilibing,” sabi ni Asilo.
Kinumpirma ng SPD na may nakita silang bangkay sa nabanggit na lugar pero isinailalim pa ito sa forensics examination para maberipika ang impormasyon.
Unang napaulat na sumuko ang suspek sa Taguig Police noong December 4.
Kasunod ito ng ulat na nawawala ang biktima na nakabase sa Puerto Princesa, Palawan.
Sinasabing dumalo ang biktima sa isang convention sa Metro Manila.
Base sa salaysay ng suspek, nahuli niya umano ang biktima na kasiping ang kanyang misis na isa ring pulis.
“Based sa statement nitong ating suspek, nitong November 28 ng gabi, naabutan ‘yung kanyang asawa at saka ‘yung victim sa loob po ng Camp Bagong Diwa. Dito po sa quartering facility po na tinutuluyan ng mag-asawa,” sabi ni Asilo.
Kasamang sumuko sa pulisya ang asawa ng suspek na tinuturing na ring sangkot sa krimen.
“Since nandun siya nung naganap ‘yung krimen and then there is conspiracy kasi instead of na isuplong, hindi nila ni-report. Itinago nila hanggang sa maghanap ‘yung family nung victim,” paliwanag ni Asilo.
Nangangalap pa ng mga ebidensya ang pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
More Stories
PULIS PATAY SA SAKSAK NG CONSTRUCTION WORKER DAHIL SA SELOS
IKATLONG IMPEACHMENT COMPLAINT ISINAMPA VS VP SARA
ILLEGAL NA PAPUTOK, BANTAY-SARADO NG DTI