Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang lahat ng local police units na paigtingin ang kanilang operasyon laban sa tupada o illegal na sabong sa kanilang lugar.
Inilabas ni PGen. Eleazar ang kautusan kasunod ng pagkakaaresto sa 17 katao, kasama ang isang barangay kapitan, sa Calamba, Laguna dahil sa pagsasagawa ng tupada at paglabag sa minimum public health safety protocols.
Bahagi ang Laguna sa NCR Plus at nanatili sa ilalim ng General Community Quarantine na naka-heightened restrictions.
“Ang ilegal na tupadang ito ang mitsa sa nakakalungkot na pangyayari kay Edwin Arnigo. Therefore, I am ordering all police commanders to launch a crackdown against thIs form of illegal activity,” ani ni Eleazar.
Dismayado rin ang PNP Chief sa barangay kapitan na nahuli sa illegal na tupada.
“Ang malala pa dito, sangkot ang kapitan ng barangay. Nakakahiya at nakakagalit na imbes na sawayin ay siya pa ang nangunang pasaway sa tupada. Hindi man lang natinag si kapitan sa nasampolan na barangay chairman sa Caloocan,” ani ni Eleazar
“I am also coordinating with the SILG Eduardo Año to give the PNP the clearance to immediately file cases against barangay officials where successful anti-tupada operations would be conducted,” dagdag pa nito.
Kinasuhan ang barangay kapitan dahil sa Gubat sa Ciudad incident kung saan binuksan ang resort sa ilang daan katao sa kabila ng umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine sa buong Metro Manila.
Samantala, pinaalalahanan ng PNP chief ang mga pulis na huwag masangkot sa ilegal na sugal, tulad ng tupada.
“Binabalaan ko rin po ang ating PNP personnel na huwag proprotektahan o kukunsintihin ang anumang klaseng iligal na sugal, gaya ng tupada, dahil siguradong mamalasin kayo sa akin,” ayon kay Eleazar.
“Siguraduhin ninyong walang sangkot sa iligal na sugal sa inyong mga personnel. Keep your units professional and disciplined at all times,” direktiba naman nito sa mga police commander.
“Kung alam ng mga pulis na hindi sila kukunsintihin ng kanilang mga pinuno, natitiyak ko na magdadalawang-isip silang gumawa ng iligal na gawain,” dagdag pa niya. (KOI HIPOLITO)
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE