November 26, 2024

PULIS NAGBARIL SA ULO, TODAS

TODAS ang isang pulis matapos umanong magbaril sa kanyang sariling ulo sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si P/Cpl. Mark Pineda, 32, at nakatalaga sa Station 12 ng Quezon City Police District (QCPD).

Sa ulat, kasamang kumakain ni Pineda ang menor-de-edad niyang anak na lalaki sa kusina ng kanilang tirahan sa Phase 4, Pacakge 2 Blk 13, Lot 21, Brgy. 176 Bagong Silang dakong alas-4 ng madaling araw nang mapansin ng asawang si Lorna, 28 ang pagpasok ng mister sa kanilang silid.

Narinig pa ng ginang ang ginawang pagkasa ng mister sa kanyang service firearm at ang pagpapaputok nito ng isang beses kaya’t kaagad siyang pumasok sa kanilang silid at dito tumambad sa kanyang paningin ang umaagos na dugo sa ulo ng asawa sanhi ng isang tama ng bala.

Humingi ng saklolo sa Sub-Station 12 ng Caloocan City Police ang ginang na sila namang nagparating sa kaalaman ng mga imbestigador sa tanggapan ng Investigation and Detective Management ng North Extension Office (NEO) upang magsagawa ng pagsisiyasat.

Pagpapatiwakal ang inisyal na ulat na isinumite ng mga imbestigador kay Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina bagama’t nagpapatuloy pa ang kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa insidente. (JUVY LUCERO)