January 23, 2025

PULIS NA SANGKOT SA ROAD RAGE, SINABON NG MGA SENADOR (Siklista, humarap sa hearing)

NAKATIKIM ng matinding paggisa sa Senado ang kontrobersyal na retiradong pulis at security aide ni Supreme Court Associate Justice Ricardo Rosario na sangkot sa pananakit at pagkasa ng baril sa isang bicycle rider na nakagitgitan nito sa bahagi ng Welcome Rotonda, Quezon City kamakailan.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drug nitong Martes, isinalang si Willy Gonzales sa ‘hotseat’ nina Committee chairman at Senador Bato dela Rosa, Senador JV Ejercito, Senador Bong Revilla, Jr., Senador Alan Peter Cayetano at Sen. Francis Tolentino.

Sa testimonya ni Gonzales, nag-init ang ulo niya nang murahin siya ng siklistang si Allan Bandiola na agad naman nitong itinanggi sa harap ng mga Senador.

Nang murahin din nya ang siklista ay sinuntok pa umano nito ang bubong ng kanyang kotse na dahilan ng mas matinding galit nya kaya kinuha ang baril sa loob ng sasakyan at ikinasa ito na nakuhanan ng isang vlogger.

Sinabi rin ni Gonzales na nayupi ang bubong ng kotse nya dahil sa nakasuot ng gloves na may knuckles si Bandiola sa kanang kamay nito na nakita naman sa larawan na ipinakita ni Senador Ejercito na walang suot na gloves ang siklista.

Dahil dito, binalaan ni Senador Dela Rosa si Gonzales na maisa-cite ng contempt kung mapatunayang nagsisinungaling ito sa hearing.

Sa kainitan ng hearing, paulit-ulit na humingi ng patawad si Gonzales kay Bandiola na kanyang nakagitgitan at nasaktan sa nasabing insidente noong Agosto 8, 2023.

“Humihingi po ako ng kapatawaran sa lahat ng aking naggawang pagkakamali kay Mr. Bandiola. Pinatawad ko na sya sa damage sa kotse. Okay na po un, wala na po kaming away ni Mr. Bandiola,” ayon kay Gonzales

Sa kanyang testimonya, inulit muli ni Bandiola na wala na syang galit kay Gonzales at gusto na lang nyang tumahimik sa pangyayari dahil nagka-aregluhan na silang dalawa.

Sinabi pa ni Bandiola na hindi na sana sya magsasalita sa insidente dahil gusto lang nyang protektahan ang kanyang pamilya at hindi na lumaki pa ang usapin.

“Ayaw ko po ng gulo,” sabi ng siklista.

Inamin ng siklista na naggawa nyang paluin ang sasakyan ni Gonzales  dahil sa iniiwasan nyang matumba at matamaan ang mga taong nasa gutter ng kalsada pero hindi umano nya nayupi o nasira ang kotse.

“Nung time na ‘yun nagitgit na po ako sa gilid. Kung nabangga ko siya, masusubsob ako…Maliit lang po kamay ko, hindi ko kayang yupiin ‘yun,” ayon pa kay Bandiola.

Ibinunyag din ni Bandiola na hindi inaresto ng pulis si Gonzales nang oras na iyon dahil wala naman daw sila nakitang may hawak na baril ang dismissed police officer.

“Sabi niya, wala silang nakitang baril. Hindi nila pwedeng arestuhin. Sinabi ko naman pero wala silang nakita,” ayon pa kay Bandiola.

Ipinatawag naman ng Senado sa susunod na hearing ang pulis na nag-imbestiga sa kaso.

Samantala, sinibak na umano ng tanggapan ni Justice Rosario si Gonzales dahil sa kanyang naging asal sa kalsada. “This is to notify the public that Mr. Wilfredo G  onzales was a coterminous employee of the Office of Associate Justice Ricardo R. Rosario. His employment was immediately terminated on August 27, 2023 upon discovery of the incident,” SC said, in response to queries from the media about the high tribunal’s ties to the controversial motorist,” base sa pahayag ng opisina ng hukom.