PINAGTULUNGAN gulpihin ng walong kalalakihan, kabilang ang dalawang kagawad ng barangay at executive officer (Ex-O) ang isang pulis at kasamang sibilyan matapos dakpin ang isang lalaking sangkot sa ilegal na droga sa Caloocan City.
Ginagamot sa hindi tinukoy na pagamutan sina P/Cpl. Roger Lagarto, nakatalaga sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at sibilyang si Adrian Villagomez, 37, ng Libis Espina, Brgy. 18, makaraang magtamo ng seryosong mga sugat sa ulo, mukha at buong katawan, batay sa inilabas na medico-legal certificate ng kanilang attending physician.
Kaagad namang iniutos ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang manhunt operation laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip kina Kagawad Jimmy Marinda, 53, at Ex-O Ferdinand Basmayor, 43, ng Brgy. 36, na kapwa positibo sa alcohol nang isailalim sa medical examination, habang tinutugis pa ang isa pang Kagawad na si Renato Rivera, alyas “Tisoy” at lima pang kalalakihan.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nagsasagawa ng paniniktik at pagmo-monitor ang mga tauhan ng SDEU sa pangunguna ni P/SSg. Jason Taguba sa Barangay 36, dakong alas-11 ng gabi nang arestuhin ni Cpl. Lagarto at kasamang sibilyan si alyas “Joshua” na siyang target ng kanilang operasyon matapos mamataan sa kahabaan ng Marulas B St. Brgy, 36.
Nang dadalhin na nila sa Barangay Hall ang suspek upang isailalim sa imbentaryo ang nakuha sa kanyang ilegal na droga, dito na sila hinarang at pinagtulungang gulpihin ng mga kalalakihan, kabilang ang dalawang Barangay Kagawad at Ex-O, kahit nagpakilala na si Lagarto na isang pulis.
Ayon kay Col. Lacuesta, sasampahan nila ng patong-patong na kasong obstruction of justice, direct assault, at serious physical injuries ang mga barangay official at kanilang mga kasama sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA