May 15, 2024

PSL: TIGERS NG DAVAO COCOLIFE MAS MABANGIS VS LIONS NG STA. ROSA, LAGUNA

IBINUNTON ang buong bangis ng Davao Occ Tigers Cocolife upang  silain ang mapanganib na katunggaling Sta.Rosa Laguna Lions,82-68 sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng Pilipinas Super League Pro Division Dumper Cup kamakalawa sa Bren Z.Guiao Convention Center sa San Fernando,Pampanga.

Agad na umalagwa ng 9-0  atake ang Tigers na koponan ng Bautista clan sa Davao Occidental at suportado nina Cocolife president Atty. Jose Martin Loon,SVP Joseph Ronquillo,VP Rowena Asnan at EVP Franz Joie Araque,upang distansyahan ang kalaban sa pangunguna ni veteran slotman ex-PBA Larry Rodriguez,Keith Agovida at John Wilson.

Bagama’t nagawang dumikit ng Lions sa kalagitnaan ng bakbakan, daterminado ang defending champion Davao Occ.Cocolife na sagpangin ang Laguneños tanda ng pagbalikwas mula masaklap na pagkatalo sa unang pagkakataon ng Davao kontra nangungulelat na Cagayan de Oro PSP at saklitin ang solo-segunda sa team standing, 8-1 panalo-talo sa ligang inorganisa ni PSL President Rocky Chan katuwang si VP Ray Alao at Commissioner Marc Pingris.

Tinanghal na Winzir Super Player of the Game si homegrown at MVP Gab Dagangon sa pagkamada ng 17 puntos,7 rebounds,4 assists at 2 steals.

“Nagpokus kami ng husto sa depensa upang umangat ang aming opensa,” sambit ni Dagangon na nagpasalamat sa buong tiwalang pinagkakaloob sa kanya ni Tigers coach Arvin Bonleon.

Dumausdos naman ang brigadang leon ni coach Brit Renoma, 6-2.