Larawan mula sa PSC
Plano ng Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na baguhin ang Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center bilang isang modernong puwang para sa libangan at pisikal na aktibidad, ayon sa ulat noong Agosto 28.
Sa isang pagpupulong, ibinahagi nina PSC Chairman Pato Gregorio at DENR Secretary Raphael Lotilla ang kanilang layunin na gawing ligtas, accessible, at aktibo ang parke para sa mga mamamayan. Nakaplano rito ang mga pasilidad gaya ng skateboarding park, wushu at sports climbing areas, rowing at canoe-kayak lanes, pati na rin biker- at pedestrian-friendly spaces.
“Kapag binuksan natin ang track ovals sa Rizal Memorial, Philsports, at Baguio City, na-realize namin na ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan ay safe space kung saan sila makakalakad at makakapag-ehersisyo,” ani Gregorio.
Target din ng proyekto ang koneksyon ng Wildlife Center sa Quezon Memorial Circle sa pamamagitan ng Elevated Landscape Promenade, na magpapadali sa paglalakad at iba pang aktibidad sa lungsod.
“Minimal ang budget para dito pero malaking epekto sa komunidad. Maaari rin nitong pasiglahin ang sports tulad ng softball at baseball,” dagdag pa ni Sec. Lotilla.
Plano rin ng PSC na makipagtulungan sa Wushu Federation of the Philippines para sa regular na programa sa mga parke at pampublikong espasyo, kabilang ang Taolu at Tai-chi na angkop sa lahat ng edad.
Bukod sa Quezon City, nakaplano rin ang pagtatayo ng regional sports centers sa iba pang bahagi ng bansa, bilang bahagi ng direktiba ni President Bongbong Marcos Jr. na palakasin ang grassroots sports development at sports tourism.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan rin ang PSC sa Department of Education, Department of Budget and Management, at Department of Tourism upang mapalakas ang sports training, kagamitan ng mga coach at guro, at suportahan ang mga international sporting events sa bansa. (RON TOLENTINO)
