June 18, 2025

‘Protect Your Money’ campaign muling inilunsad vs scam

Bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng panlolokong pinansyal sa bansa, muling inilunsad ng Financial Sector Forum (FSF) ang “Protect Your Money” (PYM) campaign upang palakasin ang proteksyon ng publiko laban sa mga financial scam at hindi awtorisadong banking transactions, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Mula 2022 hanggang 2024, umabot sa ₱3.37 bilyon ang halaga ng mga reklamo ukol sa unauthorized banking transactions na nai-report sa BSP, batay sa datos ng BSP Consumer Assistance Mechanism.

Ayon kay BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat, unang inilunsad ang PYM campaign noong 2013, ngunit muling binuhay ang kampanya dahil sa makabagong taktika ng mga cybercriminals at sa lumalaking bilang ng mga biktima — partikular na mga retirees, OFWs, at mga underserved sectors.

“Tina-target ngayon ng mga scammers ang mga retirees. Gusto naming protektahan sila, pati na rin ang mga OFWs na pinaghirapan ang kanilang pera,” ani Romulo-Puyat.

Ipinaliwanag naman ni BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier na marami sa mga scam ay nakatago sa anyo ng pekeng investments, at dumaraan sa email, text, o mismong mga kaibigan o kamag-anak ng biktima.

“Mas digital, mas personal, at mas sopistikado na ngayon ang mga scam. Minsan, galing pa sa taong kilala at pinagkakatiwalaan mo,” babala ni Fonacier.

Kuwento pa ni BSP Monetary Board Member Jose Querubin, muntik nang mabiktima ang kanyang sariling ina na 92-anyos. Isang text message umano ang natanggap nito na nagsasabing maaaring matigil ang kanyang GSIS pension maliban na lamang kung siya ay magsusumite ng impormasyon — kabilang ang OTP. Buti na lamang at naawat ito ng caregiver bago maibigay ang sensitibong detalye.

Para sa muling paglulunsad ng kampanya, may mga bagong materyales tulad ng mga printed posters, social media campaigns, at mga digital reminders na lalabas maging sa ATMs ng mga bangko.

Kasama sa kampanya ang lahat ng miyembro ng FSF gaya ng BSP, PDIC, Insurance Commission, at Securities and Exchange Commission (SEC).

“Sabay-sabay naming ipu-push sa lahat ng social media platforms at mga ahensya. Lahat ng regulatory agencies ay kasali,” ayon kay Romulo-Puyat.

Bilang karagdagan, makikipagtulungan din ang FSF sa iba’t ibang institusyon upang magsagawa ng financial literacy sessions para sa mga empleyado at publiko tungkol sa pangangasiwa ng pera, scam awareness, at responsableng pagba-banking.

Layunin ng kampanya na paigtingin ang tiwala ng publiko sa financial system habang pinalalawak ang kaalaman sa mga panganib sa digital na mundo ng pananalapi.