May 17, 2024

Problemado sa pera, housewife nagbigti

NAGPAKAMATAY ang isang 28-anyos na housewife sa pamamagitan ng pabigti sa sarili dahil umano sa pinansiyal na problema sa Malabon City, Biyernes ng madaling araw.

Alas-1:30 ng madaling araw nang madiskubre na nakabigti ang biktimang si Julie Ann Japitana ng kanyang live-in partner na si Felix Macababat, 38, sa kusina ng kanilang bahay sa 3rd St., Brgy. Tañong gamit ang isang kumot na nakapulupot sa kanyang leeg habang ang kabilang dulo ay nakatali naman sa wooden beam ng bahay.

Ayon kina homicide investigators P/MSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Ernie Baroy, kaagad pinutol ni Macababat ang kumot bago mabilis na isinugod ang kanyang live-in partner sa Ospital ng Malabon subalit, i-dineklara itong dead on arrival.

Sinabi ni Macababat sa mga imbestigador na bago ang insidente, siya at ang biktima ay nag-inuman sa bahay ng kapatid na babae ng kanyang live-in partner na katabing bahay lang nila at pagkatapos nito ay umuwi na sila bandang alas-12:00 ng hating gabi.

Dakong ala-1:30 ng madaling araw, nagising si Macababat dahil sa iyak ng kanilang 2-anyos na anak at napansin niya na wala sa tabi ng bata ang kanyang live-in partner hanggang sa magulat na lang ito nang madiskubre ang bangkay ng biktima na nakabigti sa kusina.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, kasalukuyang pa rin iniimbestigahan ang naturang kaso habang hinihintay ang resulta ng autopsy examination na isinagawa ng Northern Police Distrrict (NPD) Crime Laboratory.