November 19, 2024

PRO: ROYCE,TIGERS AT CITY STARS WAGI SA MAYNILA

NAGSIPAGTALA ng panalo ang Pampanga Royce, Davao Occidental Tigers at host Manila City Stars sa pagpapatuloy ng Manila Bankers Life Pilipinas Super League Pro Dumper Cup nitong weekend sa San Andres Gym, Malate, Maynila.

Tinambakan ng tropang Pampangos ang Nueva Ecija Slashers (82-61) para sa ikalimang sunod na panalo at wala pang talo (5-0) sa team standing ng ligang inorganisa ni PSL President Rocky Chan katuwang sina VP Ray Alao at Commissioner Marc Pingris.

Tinanghal na Winzir Super Player of the Game si Jolo Mendoza sa kanyang 17 points, 3 rebounds, 3 assists at 2 steals.

Natakasan naman ng league leading Davao Occidental Tigers ang palabang Quezon City Beacons, 81-79 upang manatiling walang talo sa 6 na laro at nasa ituktok sa 6-0 standing. Nagpasiklab agad ang balik-Tigers mula Phoenix sa PBA na si Billy Ray Robles na kumamada ng 10 puntos, 5 rebounds at 3 assists para sa SPG Winzir award.

Hindi naman binigo ng koponang Manileños ang homecrowd nito matapos ipagpag ang bisitang Cagayan de Oro PSP,89-79.

Ginawaran bilang Winzir Super Player of the Game si Rence Alcoriza sa kanyang impresibong 17 points, 5 rebounds na produksyon upang umangat ang kanilang tayo sa bakbakang tinaguriang “Ito ang Liga Ko!”.

Ang Tigers at Royce ay dikit sa ituktok ng team standings na kapwa walang talo habang humahabol ang Pampanga Lanterns at San Juan Kings na parehong 3-0.

Ang Sta.Rosa, Laguna Lions at Batang Kankaloo Koolers ay tangan ang 4-1 marka, 3-2 sa Koponang Lakan ng Bulacan, 4-3 sa City Stars, 2-3 sa Bicol Spicy Oragon, 2-4 ang Boracay Idlanders, Nueva Ecija(2–6), dausdos sa 1-4 ang QC at 1Munti Emeralds pati Bagong Cabuyao Home Lab Nation,1-5 sa ARS Warriors at isa lang ang naipanalo ng CDO PSP sa pitong asignatura nito.