December 27, 2024

PRESYO NG MANTIKA SUMIRIT

Makikita ang isang store attendant sa Marikina City public market na nire-repack ang kanyang cooking oil products dahil sa inaasahan na dadami ang bibili ng tingi-tinging mantika matapos tumaas ang presyo nito. (Kuha ni ART TORRES)

Hindi lamang presyo ng mga produkto ng petrolyo, karne at mga bulaklak ang nagmamahal kundi maging ang presyo ng mantika sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sa Marikina Public Market, tumaas ng 15 piso hanggang 50 piso ang presyo ng coconut oil habang 20 piso naman hanggang 40 piso ang presyo ng palm oil.

Sa Pasig Mega Market, 4 na piso hanggang 40 piso ang itinaas sa presyo ng palm oil habang 5 piso hanggang 30 piso naman sa presyo ng coconut oil.

Sa pahayag ng sub-dealer ng mantika sa Visayas Wet and Dry Market, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mantika dahil sa tumataas na presyo ng kopra.

Matatandaang sinabi ng Philippine Coconut Authority na ang mataas na presyo ng kopra na ginagamit sa paggawa ng mantika ang siyang nagtulak para itaas ang presyo ng mantika.

Sa ngayon, nagtitiis nalang ang publiko sa pagbili ng tingi-tinging mantika dahil sa mataas na presyo nito.