November 2, 2024

PREPARASYON SA INAGURASYON NI PBBM, PUSPUSAN NA

PHOTO: PNA

ILANG araw bago ang Hunyo 30, 2022 ay puspusan na ang preparasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan na responsable sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Matapos magsagawa ng simulation exercises, isinunod ng Manila police kasama ang iba’t ibang unit ng PNP ang walkthrough sa National Museum na pagdarausan ng inagurasyon.

Sinabi ni MPD Spokesman Major Philipp Ines na nagsagawa na rin ng interagency meeting ang ilang ahensya ng pamahalaan kabilang ang DPWH, MMDA, DILG, PCG at iba pa.

Paalala ni Major Ines,  asahan na ng publiko ang mas madalas na pagsasara ng ilang kalsada malapit sa National Museum gaya ng P. Burgos, Finance Road at Maria Orosa, Taft Avenue lalo na magiging madalas ang mga aktibidad na may kinalaman sa inagurasyon.

Sa panig ng Coast Guard, inilatag na  ang mga floating assets sa  dagat na malapit sa National Museum gayundin ang security groups na ikakalat June 30  para tumulong sa pagpapanatili ng kaligtasan, seguridad, at kapayapaan sa bisinidad ng venue.

Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, mahigpit ang pagpapatrol ng tatlong multi-role response vessels (MRRVs) at 10  PCG floating assets sa  Manila Bay at Pasig River, gayundin ang pagbabantay ng mga PCG land vehicles sa daloy ng mga sasakyan sa mga kalsadang malapit sa National Museum.

Kasado na rin aniya ang 300 personnel ng PCG kabilang ang ilang K9 teams, medical groups at karagdagang 200 pang katao para matiyak na payapa at maayos ang seguridad sa Hunyo 30.

Inatasan na rin ni Admiral Abu ang security force ng PCG District NCR at Central Luzon na maghanda at makipag-ugnayan sa AFP at PNP para maximum security support.