January 28, 2025

PREMYO NI CARLOS YULO TAX-FREE NA – BIR

LALONG magiging masaya ang buhay ni two-time Olympic Gold medalist Carlos Yulo dahil tax-free na ang lahat ng premyo at gantinpala na ibinigay sa kanya matapos ang 2024 Paris Olympics.

Paliwanag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., exempted si Yulo mula sa tax ng mga natanggap niyang premyo at gantimpala batay sa nilalaman ng National Internal Revenue Code (NIRC).

Sa ilalim ng tax code ng Pilipinas aniya, hindi na papatawan ng buwis ang lahat ng premyo at gantimpala ng mga Pilipinong atleta na nanalo sa anumang local at international spots.

Paliwanag pa ng tax chief, ang halaga ng mga ari-arian na nakuha o natamo sa pamamagitan ng regalo ay hindi na kailangan pang isama sa kabuuang kita ng tumanggap nito (Yulo), kaya’t hindi na kailangan pang patawan ng buwis.

Pinayuhan naman ng tax chief ang Pinoy gymnast na karapatan niyang hindi ideklara ang mga natanggap na regalo tulad ng mga sasakyan, at bahay bilang bahagi ng kanyang kabuuang kita.

Hindi aniya siya obligado na magbayad ng buwis sa kita para sa mga ito. (RON TOLENTINO)