Nanindigan si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin nitong Biyernes na dapat imbestigahan ang “possible collusion” o posibleng sabwatan ng mga kumpanya ng langis sa kanilang lingguhang pagtataya ng presyo.
Sa isang press briefing sa Malacañang, kinumpirma ni Garin na nakikipag-ugnayan na ang DOE sa Philippine Competition Commission (PCC) upang suriin kung may nagaganap na “anti-competitive behavior” sa hanay ng mga oil firms.
“Ang issue is nag-uusap-usap ba sila kung ano iyong oil price hike. That is a behavior that should be investigated. Kinausap po namin iyong PCC to check kung mayroon ngang anti-competitive behavior po among them,” pahayag ni Garin.
Bukod sa pagbibigay ng impormasyon sa PCC, iminungkahi rin ni Garin na maaaring panahon na upang repasuhin ang kasalukuyang sistema ng fuel price adjustments sa bansa.
Nag-ugat ang usaping ito matapos panawagan ni House Ways and Means chair Miro Quimbo ang Energy Regulatory Commission (ERC) at PCC na kumilos. Ito ay kasunod din ng naging pahayag ni DepDev Secretary Arsenio Balisacan sa Joint Committee hearing ng LEAD, kung saan binigyang-diin ang pangangailangang matiyak na “playing fair” ang mga kumpanya ng langis.
Suportado ni Quimbo ang panawagan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas ng PCC at ERC, lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa krisis sa langis dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Layunin ng hakbang na ito na protektahan ang mga mamimili mula sa anumang hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
