May 18, 2025

POPE LEO XIV: PAGSASAMANTALA SA KALIKASAN AT SA MAHIHIRAP, STOP!

VATICAN CITY — Sa kanyang kauna-unahang misa bilang Santo Papa, Pope Leo XIV ay nanawagan ng pagkakaisa, kapayapaan, at pagtatapos ng pagsasamantala sa kalikasan at sa mga marhinalisadong sektor, sa harap ng libu-libong deboto at mga kilalang lider mula sa iba’t ibang bansa, kabilang na si US Vice President JD Vance at Ukrainian President Volodymyr Zelensky.

Sampung araw matapos hirangin si Robert Francis Prevost, isang Amerikanong ipinanganak sa Chicago, bilang bagong pinuno ng Simbahang Katoliko na may 1.4 bilyong miyembro sa buong mundo, idinaos niya ang kanyang inaugural mass sa St. Peter’s Square sa edad na 69.

Nag-ikot si Papa Leo XIV sakay ng popemobile, nakangiti, kumakaway, at pinagpapala ang mga dumagsang deboto sa Vatican, sa kanyang unang opisyal na araw bilang pinuno ng Simbahan.

Sa kanyang homiliya, iginiit ng Santo Papa ang pangangailangang gampanan ng Simbahan ang tungkulin nito bilang tagapagtaguyod ng pagkakaisa at katarungang panlipunan.

“Sa panahon natin ngayon, labis pa rin ang pagkakawatak-watak, ang mga sugat na dulot ng galit, karahasan, at diskriminasyon — at isang sistemang pang-ekonomiya na patuloy na sumisira sa kalikasan at isinasantabi ang mahihirap,” ani Pope Leo XIV.

Bilang dating misyonero sa Peru, nanindigan rin siya laban sa pagiging sarado ng mga komunidad:

“Tinatawag tayong ialay ang pag-ibig ng Diyos sa lahat, upang makamit ang pagkakaisa na hindi nagbubura ng pagkakaiba, kundi tumatanggap at nagpapahalaga sa pinanggalingan at kultura ng bawat isa.”

Bagama’t itinalaga lamang bilang kardinal noong 2023 at hindi pa ganoon kakilala sa mga Katoliko, mabilis na kinagigiliwan si Pope Leo XIV dahil sa kanyang matibay na paninindigan para sa kapayapaan at katarungan.

Isa sa mga nabighani sa bagong Santo Papa ay si Inacia Lisboa, 71 taong gulang na peregrino mula sa Cape Verde na ngayon ay naninirahan sa Roma.

“Pumasok na siya sa puso ko,” wika niya sa AFP. “Nais ko lang na ipagdasal niya kaming lahat—para sa kapayapaan sa buong mundo. Kailangan na kailangan natin ito ngayon.”