NANAWAGAN si Jess Lim Arranza, presidente ng Federation of Philippines Industries, Inc., na magsagawa ng ocular inspection sa dalawang illegal lead smelting operations sa ilog na dumadaan sa San Simon, Pampanga.
Sa isinagawang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng Capampangan in Media Inc. (CAMI), ipinasilip ni Arranza ang kanilang videoconference ni Barangay Chairman Raul Mangay, kung saan inirereklamo ng mga constituents ang ginagawang pagtatapon ng toxic materials sa ilog na sanhi ng fish kills. Umaalingasaw din ang mabahong amoy mula sa mga warehouse na pinaniniwalaan niyang ikinukubli ang operasyon.
Ang nasabing mga warehouse ay bahagi ng industrial park na nag-o-operate sa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority.
Ayon pa kay Arranza, na isang environmentalist, dinulog na rin niya ang usaping ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Agosto 2022. Gayunpaman, patuloy na nagdurusa ang mga residente mula sa air at water pollution sa kabila ng kautusan ng Pangulo na imbestigahan ito at kung nararapat, ay isara ang mga pasaway na mga kompanya.
Aniya, malaking negosyo ang pag-recycle ng gamit na lead acid batteries. Kinukuha ng mga kompanya ang lead mula sa mga itinatapon na baterya ng sasakyan at truck at ginagawa nila itong bullion para ibenta sa mga manufacturer dito at sa ibang bansa.
Sinabi rin nito, maganda naman sanang operasyon ang pagre-recycle, subalit kailangan pa ring isaalang-alang pa ang pag-iingat, lalo na pagdating sa pag-handle ng toxic materials tulad ng lead.
“Lead is dangerous,” punto ni Arranza. “Traces of the substance, if ingested, say, from contaminated fish or inhaled from polluted air, could affect the physical and mental development of children.”
“The chemicals used to extract and purify lead also poses danger to people if released into the environment without treatment. They could leach into underground water table, contaminate canals and rivers, and pollute the air,” dagdag pa niya.
Naglalaman din ang mga baterya ng sasakyan at truck ng acids, na may dala ring panganib.
Kaya naman kailangan munang kumuha ng environmental certificate mula sa DENR ang mga kumpanyang sangkot sa ganitong uri ng negosyo, bukod pa sa permit mula sa lokal na pamahalaan upang hindi malagay sa panganib ang komunidad.
“Unfortunately, the problem is not confined to San Simon,” ani Arranza. “Illegal recycling firms are all over the country.”
Bukod sa epekto sa kalikasan, ang mga polusyon na ito ay banta sa recycling program ng gobyerno. Pati ang mga lehitimong mga kompanya ay nadadamay na magsara. Hindi nila kayang makipag-kompetensiya sa mga kompanya na ayaw mag-invest sa safe recycling technology.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA