November 24, 2024

POLICE ESCORT NATAKASAN NG DRUG SUSPECT

PINAGHAHANAP ngayon ng mga awtoridad ang isang person under police custody (PUPC) na may kaso ng illegal na droga makaraang tumalon sa sinasakyang police mobile patrol service vehicle ng Sto. Tomas City Police Station kahapon ng umaga sa South Luzon Expressway (SLEX) sakop ng Barangay San Rafael ng Santo Tomas, Batangas.

Kinila ang nakatakas na si Leo Unico, nasa hustong gulang, may kaso ng paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Laws on Dangerous Drugs Act of 2002.


Base sa report ni Police Staff Sargeant Petronilo Desepeda ang imbestigador ng Drug Enforcement Unit kay Sto. Tomas City Police Chief, Lieutenant Colonel Rodel Ban-O, lulan sila ng kanilang police mobile patrol vehicle kasama si Unico at ang dalawang iba pang naarestong suspek galing sa Regional Forensic Unit 4A para sa isinagawang drug test at turn over ng mga nasamsam na iligal na droga sa tatlong suspek sa isang anti-illegal drugs operation ng araw din na iyon subalit paglabas ng SLEX ay biglang tumalon sa sasakyan ang suspek at nagtatakbo patungo sa direksyon ng Barangay Sta. Anastacia.

Hindi na naabutan ng mga humahabol na pulis si Unico.

Ayon kay Lieutenant Colonel Ban-O dati na rin umanong nahuli sa kasong pagnanakaw ang suspek at nagtangkang tumakas sa Calamba City Police Station sa Laguna subalit napigilan. Dagdag pa ni Ban-O na posibleng maharap sa kasong administratibo at kriminal ang mga pulis escort ng suspek kapag napatunayang mayroon naging pagkukulang ang mga ito kaya natakasan. (KOI HIPOLITO)