January 11, 2025

PNP SPOKESPERSON, REGIONAL DIRECTOR NA

MULING nagkaroon ng balasahan ang Philippine National Police (PNP) kung saan nagtalaga ng mga bagong hepe sa tatlong regional offices (PRO) nito.

Base sa dokumento na inilabas sa publiko, itinalaga si PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo para pamunuan ang region 3 (Central Luzon) bilang bagong regional director, kapalit ni Brig. Gen. Redrico Maranan na inilipat naman sa Central Visayas (region 7).

Sa paglisan ni Fajardo sa punong himpilan ng pambansang pulisya, hinirang naman bilang acting PNP spokesperson and officer-in-charge sa PNP Public Information Office si Col. Randolf Tuaño, na nagsilbi bilang deputy director for administration sa PNP Finance Service.

Pasok din sa talaan si Brig. Gen. Roel Rodolfo na hinirang bilang regional police director ng Zamboanga Peninsula. Papalit naman Col. Elmer Ragay si Rodolfo bilang hepe ng PNP Anti-Kidnapping Group.

Inatasan din ni Marbil si Brig. Gen. Eleazar Matta pangasiwaan ang Highway Patrol Group (HPG). Pinalitan na rin ni Col. Rolando Cuya Jr. si Matta bilang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) chief.

Apektado rin sa balasahan sina Brig. Gen. Bowen Joey Masauding na hinirang na deputy director ng PNP Directorate for Comptrollership, Brig. Gen. Wilson Asueta bilang deputy director ng PNP Directorate for Information and Communications Technology, at Brig. Gen. William Segun bilang deputy director ng PNP Area Police Command sa Southern Luzon.