December 21, 2024

PNP: SOP SINUNOD SA KIAN AUTOPSY

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) nitong Sabado na ang medico-legal officer na nagsagawa ng autopsy sa biktima ng drug war na si Kian Delos Santos ay sumunod sa standard operating procedures sa pag-eksamina sa katawan nito.

Inilabas ng Philippine National Police Forensic Group ang pahayag matapos sabihin ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun na hindi maayos na sinuri ng pulisya at ng Public Attorneys’ Office ang labi ng 17-anyos na batang lalaki.

Depensa ng grupo, ang mga natuklasang expert witness’ ay nakatulong sa pagkakakulong sa tatlong pulis ng Caloocan na pumatay kay Delos Santos noong 2017.

Dagdag ng forensic group na nagsagawa sila ng “honest, serious and sincere” forensic examination na walang anumang personal o political agenda simula nang itatag ito noong 1945.

Kung matatandaan, pinuna ni Fortun ang mga ulat ng autopsy ng gobyerno matapos niyang muling suriin ang bangkay ni Delos Santos, na pinatay ng mga pulis sa kasagsagan ng anti-drug campaign ng administrasyong Duterte na tinatawag na “Oplan Tokhang.”

Idinagdag niya na tanging surface cuts lamang ang ginawa sa katawan ni Delos Santos, at walang pagsusuri sa internal organs ng bata.

Ibinunyag din ng eksperto na nakakita siya ng bala sa leeg ng biktima na hindi naiulat sa mga autopsy na dati nang ginawa ng mga ahensya.

Giit ni Fortun, naniniwala siya na ang bala ay maaaring itugma sa baril na ginamit upang patayin ang drug war victim na si Kian Delos Santos.