November 5, 2024

PNP-NUP NA KASABWAT NG MGA TERORISTA PINASISIBAK NI ELEAZAR

INATASAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang Internal Affairs Service na madaliin ang dismissal proceedings laban sa isang Non- Uniformed Personnel sa Sulu na napag-alamang kasabwat bilang finance at logistics liaison officer ng bandidong grupo na Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay PGen Eleazar, naaresto noong Biyernes, Hulyo 30 ang NUP na si Masckur Adoh Patarasa, na nakatalaga sa Banguingui Municipal Police Station sa Sulu na sinilbihan  ng arrest warrants dahil sa pitong kaso ng Kidnapping and Serious Illegal Detention. Kabilang din si Patarasa, sa mga ipinaaaresto sa ilalim ng Martial Law Arrest Order no. 1 sa kasagsagan ng Marawi siege noong 2017.

 “Inatasan ko ang IAS na madaliin ang summary dismissal proceedings upang agad na matanggal bilang NUP si Patarasa habang hinaharap sa korte ang patong-patong na kaso laban sa kanya,” utos ng PNP Chief.

Nagpapatuloy pa aniya hanggang sa ngayon ang malalimang imbestigasyon upang malaman kung may iba pang tauhan ng PNP ang may kaugnayan o miyembro rin ng Abu Sayyaf.

“Patuloy ang imbestigasyon kay NUP Patarasa para malaman kung mayroon pang ibang PNP personnel na kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group,” ayon kay PGen Eleazar.

“Hindi malayo ang posibilidad na may iba pa siyang kasama kaya dito nakatutok ang ating follow-up investigation. Kasabay nito, aalamin din natin kung ano-ano ang mga kasong kinasangkutan nila,” dagdag pa niya.

 “Atin din aalamin kung paano nakapasok sa PNP itong si Patarasa na sangkatutak pala ang mga arrest warrants at kasong kinakaharap kaugnay ng kanyang pagiging miyembro ng Abu Sayyaf,” pagtatapos pa ng PNP Chief.

Nabatid na miyembro na ng Abu Sayyaf si Patarasa, mula noong 2001.

Sa kaso ni Patarasa, binigyang diin ni PGen Eleazar ang kahalagahan ng paglilinis sa hanay ng pulisya mula sa proseso ng recruitment, sabay giit na “Isa ito sa mga dahilan kung bakit sinasala nating mabuti ngayon ang mga pumapasok sa PNP, mapa-pulis o civilian employee. (KOI HIPOLITO)