January 19, 2025

PINAY NA-SCAM SA MYANMAR, NAGBAYAD NG RANSOM PARA MAKAUWI NG ‘PINAS

Ibinunyag ng Bureau of Immigration (BI) na isang Pinay ang nagbayad ng ransom para makauwi lamang ng Pilipinas matapos siyang ma-scam para magtrabaho sa isang online company sa Myanmar.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ang Filipina ay dumating sa bansa sakay ng Philippine Airlines flight mula sa Bangkok noong Abril 4 matapos ma-recruit sa pamamagitan ng Facebook at pinangakuan ng $1,000 sahod bilang Customer Service Representative sa Thailand.

Ang biktima ay sinabihan na magpanggap bilang turista upang makalusot sa immigration inspection. Pagdating sa Thailand ay sinundo ito at dinala sa Myanmar sakay ng bangka.

Pinagtrabaho umano ang biktima bilang marketing scammer na ang target ay mga Indian national na hinihikayat umano na mag-invest sa ‘Pacific Mall.’ Pinagtatrabaho umano ang biktima ng halos 16 oras araw-araw at walang dayoff at suweldo.

Upang payagang umuwi, pinaghanap umano ito ng tatlong kapalit.

Nakahanap ang biktima ng isang kakilala na nakagawa ng pekeng itinerary para sa apat na indibidwal na pupunta sa Thailand.

Matapos burahin ang mga ebidensya sa kanyang cellphone, dinala ang Filipina sa Thailand at doon ay nakahingi ito ng tulong sa Philippine Embassy. ARSENIO TAN