November 3, 2024

‘PINAS MUNA BAGO NBA PARA KAY KAI SOTTO

PANSAMANTALANG isinantabi  ang ginintuang oportunidad ng  Pinoy gem ng  bansa sa larangan ng basketball sa pagpili nitong maglaro muna para sa Pilipinas bago ang ultimong pangarap na mapabilang sa elite players ng National Basketball Association.

Ngayong buwan ng Pebrero ay naipit sa nag-uuntugang bato sa pagitan ng Gilas Pilipinas at NBA ang pumapaimbulog sa larangan ng basketball na higanteng Pinoy cager na si Kai Sotto

Ang 7’3″ toreng si Sotto ay nagsasanay na at nagpapakitang-gilas  sa Ignite team ng G- League sa NBA na magiging matibay niyang tuntungan pagdating ng NBA draft ngayong taon. Nagpasiya siyang  maglalaro muna sa maikling window qualifier ng Gilas Pilipinas ngayong buwan din ng Pebrero.

Ang isa na sa top ten centers na potential draftees sa NBA ay uuwi muna sa bansa upang makasama ang teammates sa pambansang koponan na nasa bubble training  sa Laguna para maging pamilyar sa sistema na nasa timon ni coach Tab Baldwin.

Naging komplikado ang iskedyul ni Sotto partikular ang pagbabalik-Pilipinas nito dahil sa  pagka-kansela ng orihinal na Clark hosting  dahil sa bagong alituntunin ng IATF at nailipat ng FIBA ang event sa Doha, Qatar.

Gayunpaman ay optimistiko ang kampo ni Sotto na magiging smooth ang kanyang misyon para sa bansa kaya  makababalik pa rin siya sa takdang panahon sa Estados Unidos matapos tuparin ang tungkulin sa bayan at ituloy na ang pangarap niya bilang kauna-unahang Pilipino na makapaglalaro sa NBA.

Ang Gilas Pilipinas ay kailangan lang ng isang panalo sa kanilang  kampanya kontra South Korea (2x) at isang beses versus Indonesia  sa naturang qualifiers para sa FIBA Asia Cup 2023.

** MYTHICAL 5  SA GWCU CHARITY BASKETBALL SA RIYADH****

Saludo ang korner na ito sa mga nasa likod ng  tagumpay ng Grab We Care United Charity Basketball tournament sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia. Partikular kay founding organizer Robin Padiz.

Kampeon sa naturang basketball for a cause ang Team RDS. MVP si Christoper Seploc at best in uniform pa ang champion team.

Binubuo ng Mythical five sina SEPLOC, JAYSAN FUERTAS, AZIZ MADID, RODEL LUCERO at LEO ZABALDICA.

Runner-up ang Grab, tersera ang UNICC kasunod ang SAR.Ayon kay Padiz, ang kampeong RDS ang pipili ng beneficiary na kababayang  OFWs  na apektado ng pandemya.

Ang GWCU ay pinamumunuan ni  Zaldy Rabalo- president,Hermogenes Pacio- VP internal,Mensen Lopez- VP external,Aileen Azotillo at Michelle Cabacungan-secretaries, Marciano Daradal- auditor,Ariel Alapar-PRO, Albert Pano- social media at members na sina Rodel Lucero, Gary Martin Ysug at Padiz. MABUHAY GRAB!