Kasabay ng pagdiriwang ng 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa Rehiyon ng Ilocos, pormal nang binuksan ang kauna-unahang ASIN (Salt) Research and Development Center sa bansa noong Pebrero 17, 2026.
Ang makasaysayang pasilidad na ito ay itinayo sa loob ng Pangasinan State University (PSU) Binmaley Campus sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST), na naglalayong gawing sentro ng pananaliksik at makabagong teknolohiya sa asin ang lalawigan.
Binigyang-diin ni PSU President Dr. Elbert M. Galas na ang proyektong ito ay nakasandig sa Republic Act No. 8172 o ang ASIN Law, na nagsusulong ng iodization upang labanan ang iodine deficiency at mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Ayon sa kanya, ang asin ay hindi lamang usaping pangkalusugan kundi isang mahalagang yamang pang-ekonomiya na may malaking potensyal para sa mga lokal na industriya. Suportado rin ito ni DOST Ilocos Regional Director Dr. Teresita A. Tabaog, na nagbalik-tanaw sa naging tagumpay ng ONEAsin Program sa pagpapalakas ng mga lokal na prodyuser sa Pangasinan.
Sa mensahe ni DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr., inilahad niya ang malaking hamon na kinakaharap ng bansa kung saan tinatayang 93 porsyento ng pangangailangan sa asin ay inaangkat pa mula sa ibang bansa at pito lamang na porsyento ang lokal na nagagawa.
Dahil dito, binigyang-diin ng kalihim ang pangangailangang itaas ang antas ng produksyon at bumuo ng mga bagong teknolohiya na maaaring pagsamahin ang paggawa ng asin at pagkakaroon ng malinis na tubig o potable water solutions.
Nagpahayag din ng buong suporta ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan tulad ng Philippine Coconut Authority, na gumagamit ng lokal na asin para sa fertilization ng mga niyog, gayundin ang Department of Agrarian Reform at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa ilalim ni Gobernador Ramon Guico III.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang inisyatibong ito ay nagpapatibay sa identidad ng Pangasinan bilang “lugar kung saan gumagawa ng asin.”
Ang pagbubukas ng ASIN R&D Center ay tinampukan din ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng DOST at PSU upang mas patatagin pa ang kanilang pagtutulungan.
Inaasahan na ang sentrong ito ay magsisilbing modernong hub para sa agham at teknolohiya na magpapaunlad sa kabuhayan ng mga komunidad na gumagawa ng asin, magsusulong ng seguridad sa pagkain, at magpapatatag sa ekonomiya ng rehiyon at ng buong bansa.
